1-M solar powered roof sagot sa power crisis

MANILA, Philippines - Isang milyong solar powered roof umano ang solusyon sa krisis sa Mindanao at sa mga nakaamba pang power crisis sa Luzon.

Dahil dito kayat isinusulong nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Teddy Casino, Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Luz Ilagan, ACT Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Raymond Palatino at Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang House bill 5405.

Nakasaad sa nasabing panukala ang pagsusulong sa paggamit ng renewable energy sa loob ng 10 taon.

Kabilang umano sa mga maaring gumamit ng solar powered roof ay ang mga bahay at maliliit na negosyo na bibigyan ng gobyerno ng murang financing facilities sa ilalim ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Pag-Ibig at iba pang financial institution.

Paliwanag ng MAKABAYAN Bloc, bukod sa malinis at mas ligtas ang solar powered roofs ay mas mura pa ito kumpara sa mga diesel powered plants.

Bunsod nito kayat umapela ang mga mambabatas sa liderato ng Kamara para sa mabilisang pag-apruba sa naturang panukala para agad na maresolba ang power crisis sa Mindanao at ang nakaamba ring krisis sa Luzon. (Butch Quejada/Gemma Garcia)

Show comments