OFW tumalon sa gusali, 1 pa binangga sa Saudi

MANILA, Philippines - Dalawang Overseas Filipino workers (OFWs) ang nasa malubhang kalagayan matapos na tumalon ang isa sa bahay ng kanyang amo habang ang isa ay nabangga ng umarangkadang kotse sa magkahiwalay na insidente  sa Saudi Arabia.

Kinilala ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East ang mga Pinay na sina Hadeah Macalpang, 33, tubong Lanao Del Norte at Teodora Agaton, 53, tubong Tayabas, Quezon. Sila ay pawang nakaratay sa King Fahad Hospital sa Al-Khobar, eastern city ng Saudi Arabia.

Sa unang report ni Marcial Abay Jr., welfare officer ng Migrante, si Macalpang ay kritikal na isinugod sa nasabing ospital noong Setyembre 5 matapos na tumalon sa ikalawang palapag ng tinutuluyan ng employer nito at bumagsak sa isang konkretong pavement o daanan matapos na magtangkang tumakas sa amo.

Sa isinagawang pagbisita ni Abay kay Macalpang na naka-confine sa ospital, nabatid na nagtamo siya ng bali sa hita at balakang matapos ang pagtalon sa gusali. 

Sinabi ni Macalpang na tapos na niya ang kontrata at umabot na siya ng 2 taon at 4 buwan sa Saudi subalit ayaw umano siyang pauwiin sa Pilipinas kahit nagmamakaawa umano ito sa amo. Bukod sa panggigipit ay nakararanas din ng pagmamaltrato at pang-aabuso sa kamay ng amo.

Samantala, nakaratay din sa nasabing ospital si Agaton bunga ng matin­ding pagkakabangga sa kanya ng isang kotse na minamaneho ng isang Saudi national habang naglalakad kasama ng isa pang OFW noong Setyembre 23.

Humingi na umano ng tulong ang mga kapwa Pinoy kay Phl Labor Attache Adam Musa ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) para kay Agaton subalit hindi umano siya tinulungan dahil sa kawalan umano ng pondo para sa hospitalisasyon at medikasyon ng nasabing OFW.  

Show comments