Huwag kumain ng bilasang isda - BFAR
MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang taumbayan na huwag kakain ng isdang bilasa may fish kill man o wala.
Sinabi ni BFAR Director Asis Perez, hindi naman dapat katakutan ng publiko ang pagkain ng isda na mula sa Taal lake na biktima ng fish kill dahil wala itong lason dahil namatay lamang ito dahil sa kulang sa oxygen sa karagatan.
Mas dapat anyang katakutan ng taumbayan ay ang makakain ng isdang bilasa dahil ito ay may epekto sa kalusugan ng tao tulad ng diarrhea, pagsusuka, pagsakit ng tiyan at iba pang sakit na maaaring makamatay.
“Alam natin ang isdang bilasa, sa amoy pa lamang alam na natin na hindi maaaring kainin “ pahayag ni Perez.
Anya ang isang bilasang isda ay malalaman din sa hasang nito kung kulay brown at hindi pula ang hasang, pag pinundot ang isda ay lumulubog ang laman nito at nag hihiwalay hiwalay ang laman .
Kaugnay nito, sinabi ni Perez na sa ngayon ay namahagi na ng fingerlings ang ahensiya sa mga mangingisda na apektado ng fishkill para sa kanilang muling pagbangon sa hanapbuhay.
Binigyang diin pa nito na kailangang ang mga Pilipino laluna ang mga naninirahan sa may dalampasigan ang prayoridad na dapat na magkaroon ng fishpen sa mga lawa sa bansa at hindi mga dayuhan.
- Latest
- Trending

















