200 Pinoy nagwelga sa Saudi
MANILA, Philippines - Apat na araw nang nag-aaklas ang 200 overseas Filipino workers laban sa kanilang amo dahil sa pagmamaltrato sa kanila sa Saudi Arabia.
Ayon kay Regional John Leonard Monterona ng Migrante-Middle East, noong Sabado pa nag-aaklas ang mga nasabing OFWs na kinabibilangan ng mga inhinyero, arkitekto, superbisor at construction workers laban sa kompanyang Al-Arab Contracting Company LTD.
Inirereklamo ng mga OFWs ang hindi pagpapasuweldo sa kanila ng dalawang buwan, di pagbabayad ng overtime pay, hindi pagsunod sa standard salary sa Saudi, hindi ligtas na working environment at diskriminasyon.
Anila, hindi pa rin ibinibigay ng naturang kompanya ang kanilang iqama o residence permits sa loob ng isang taon. Ito ay mandato sa ilalim ng labor law sa Saudi. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending
















