Pagbawi sa Erap assets itinigil ng Sandiganbayan

Pansamantalang pinatigil kahapon ng Sandiganba­yan ang pagbawi sa ilang mga ari-arian at iba pang personal na assets ni dating Pangulong Joseph Estrada na hindi kasama sa desisyong inihatol sa huli kaugnay ng kasong plunder nito.

Inatasan ni Justice Francisco Villaruz ng Special Division acting chairman si Sheriff Ed Urieta na itigil ang isinasagawang operasyon matapos na magpalabas ang anti-graft court ng temporary restraining order (TRO).

Magpapatuloy ang kautusan habang hinihintay pa ang resolusyon sa inihaing mosyon ng kampo ni Estrada.

Iginiit ng mga abogado ni Erap na dapat lamang na hindi kumpiskahin ang hindi kasama sa inilabas na desisyon ng Sandiganbayan.

Ipinaliwanag ng depensa na sakop lamang ng nasabing writ ang P545M jueteng payola kabilang din ang P200M na nasa Erap Muslim Youth Foundation (EMYF), at ang P189M komisyon sa pagbili ng GSIS at SSS sa Belle Corp. shares gayundin ang tinaguriang Boracay mansion sa New Manila, Quezon City.

Ititigil din ang pagtukoy sa mga sasakyang pag-aari umano ni Estrada. (Angie dela Cruz)

Show comments