Kasong kriminal vs Makati officials pinareresolba

Umapela kahapon ang Campaign for Public Accountability (CPA) sa Office of the Ombudsman na resolbahin na ang mga kasong kriminal na isinampa nila laban kay Makati Mayor Jejomer Binay at iba pang opisyal ng naturang lungsod.

Pinuna ni CPA convenor Roberto Brillante na dalawang taon nang naisumite para desisyunan ang naturang mga kaso na kinabibilangan ng plunder, estafa/misappropriation of public funds at grave misconduct.

Sinabi ni Brillante na ang mga kaso na kinapapalooban ng P662 million overpriced hospital supplies at equipment at office furniture para sa Makati City Hall ay kailangan nang madesisyunan para maprotektahan ang mga taga-Makati laban sa pagwaldas ng kanilang buwis at kabang bayan.

Nalugi din ang Makati City Government, ayon kay Brillante, ng P18,764,985 sa dalawang transaksiyon ng pagbili ng mga libro.

Binigyang-diin ni Brillante na inamin naman ng mga respondents ang overpricing kay Commission on Audit auditor Heidi L. Mendoza sa Exit Conference na isinagawa noong Feb. 27, 2002.

Show comments