Mas malamig na klima sa 2nd week ng Dis.

Ang paminsan-minsang lamig ng panahon sa umaga ang senyales na papasok na ang bansa sa panahon ng tag-lamig, pero ayon kay Bobby Rivera, climatologist ng PAG-ASA, makakaranas ng mas malamig na klima ang bansa sa ikalawang linggo ng Disyembre.

Dahi dito kaya dapat mag-ingat ang marami sa mga sakit na umaatake tuwing panahon ng tag-lamig tulad ng sipon, ubo at pananakit ng kalamnan.

"Hindi pa tag-lamig ’yung nararamdaman sa ngayon, malamig nga minsan sa umaga pero maalinsangan sa hapon, pero ito yung inisyal na nararamdaman sa bansa kapag malapit na tayong pumasok sa panahon ng tag-lamig," pahayag ni Rivera.

Bukod dito, madalas din anya ang pagkakaroon ng "tail of a cold front"kung saan ang hangin na galing sa China ay sumasalubong sa mainit na hangin na nagmula sa Silangan at saka ito magbubuo ng ulap at saka magiging ulan, na isa ring palatandaan na malapit nang pumasok ang bansa sa panahon ng tag-lamig.

Sinabi pa ni Rivera na magiging normal ang panahon sa bansa sa susunod na taon. Gayunman, may dala itong 19 o higit pang mga bagyo subalit hindi naman anya ito kinakikitaan ng matinding panganib sa mga tao at kapaligiran. (Angie dela Cruz)

Show comments