11 drug traffickers arestado!

Nalansag ng awtoridad sa tulong ng United States police force ang itinuturing na mega shabu laboratory sa Pilipinas at sa buong Southeast Asian Region kasabay ng pagkakadakip sa 11 big time drug traffickers kabilang ang walong dayuhan na nasamsaman ng 675 kilong shabu at kemikal na nagkakahalaga ng P1.3 bilyon sa isinagawang raid sa Mandaue City, Cebu kamakalawa.

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Usec. Anselmo Avenido Jr., ang mga nasakoteng suspek na sina Bao Xia Fu, Tau Hue at Lui Fu; pawang Chinese national; dalawang Taiwanese na sina Hu Tiao at Lin Li Ku, dalawang Malaysian na sina Siew Kin Weng at Liew Kam Song; British na si Hung Chin Chang; Joseph Yu, Filipino-Chinese at ang dalawang Filipino na sina Allan Yap Garcia at Joseph Lopez.

Ayon kay Avenido, dakong alas-5 ng hapon nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng PDEA, PNP Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Force (PNP-AID-SOTF), PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa tulong ng US Drug Enforcement Administration sa pamumuno ni Country Attache Special Agent Timothy Teal ang pagsalakay sa shabu laboratory na matatagpuan sa Plaridel St., Brgy. Umapad, Mandaue City.

Ang megalab na may pitong talampakang gate ay may tatlong bodega at may kakayahang makagawa ng may 7.5 toneladang shabu na nagkakahalaga ng P15 bilyon.

Nakumpiska sa pagsalakay ang 675 kilo ng metamphetamine hydrochloride o shabu, sari-saring kemikal at mga kagamitan sa paggawa ng nasabing illegal na droga. Ilan sa mga nakumpiskang shabu ay nakapakete na para ibenta habang ang iba ay nakalagay sa mga plastic containers.

Nabatid na nauna rito, nagsagawa ng surveillance operation ang PDEA at pulisya matapos na makatanggap ng report hinggil sa kahina-hinalang presensya ng mga dayuhang personalidad sa Mandaue City at sa talamak na bentahan ng illegal na droga na nagmumula sa Central Visayas. (Ulat nina Joy Cantos At Angie Dela Cruz)

Show comments