Sinabi ni Senate President Franklin Drilon, mahirap paniwalaan ang sinasabi ni Ltsg. Antonio Trillanes na "spontaneous" o biglaan lamang ang ginawang pag-aaklas ng mga miyembro ng Magdalo group sa Makati.
Ganito din ang pananaw nina Senators Loren Legarda, Rodolfo Biazon, Ralph Recto at Manuel Villar dahil sa well-organized ang ginawang pagkilos ng okupahin nila ang Oakwood hotel.
Sinabi ni Sen. Legarda, hindi simpleng protesta upang ihayag ang kanilang hinaing laban sa liderato ng AFP at DND ang ginawa ng mga young officers dahil armado sila ng matataas na kalibre ng armas bukod sa nagkalat sila ng bomba sa paligid ng Oakwood at Glorietta.
Inamin ni Trillanes sa committee of the whole na tinawagan siya ni Capt. Gerardo Gambala na kanyang mistah sa Philippine Military Academy (PMA) na noon ay naka-check-in sa Oakwood hanggang sa tawagan na rin niya ang ibang kaklase at mga tauhan para magpunta sa Makati City.
Upang patotohanan na biglaan lamang ang ginawa nilang pag-aaklas, sinabi ni Trillanes na nag-iwan lamang siya ng "I owe U" note sa Rustans para sa kinuha nilang mga de-lata na nagkakahalaga ng P20,000 para sa pagkain ng mga sundalo na nasa Oakwood.
Iniharap naman ni DILG Sec. Joey Lina ang isang affidavit na magpapatunay na planado at well-financed ang grupong nagsagawa ng rebelyon dahil bumili ito ng P2 milyong halaga para sa 5 Hyundai Aero bus noong Hulyo 24 na binayaran ng cash para gamitin ng mga sundalo bilang sasakyan patungo sa Oakwood.
Bukod dito, wika pa ni Sec. Lina, naunang naka-check-in si Capt. Gambala sa Oakwood ilang araw bago ang mutiny gayung napakamahal para tumira dito upang magtago lamang dahil may threat daw ito sa kanyang buhay dahil sa pinanghahawakang dokumentong "Oplan Green Base" ng militar.
Kinuwestiyon naman ng DILG chief kung bakit hindi pumayag ang young officers ng lapitan ng mga ito si Sen. Gregorio Honasan noong March 2002 para imbestigahan na lamang ng senado ang mga hinaing nito kung talagang ang nais lamang nila ay ibinunyag ang katiwalian at maitama ang mga pagkakamaling ito sa AFP at DND.
Nagpakita naman ng kagaspangan ng kanyang ugali si Trillanes ng "mapikon" ito sa tanong ni Sen. Noli de Castro ng tanungin kung bakit sa kanya ipinangalan ang inutang ng kanyang ina na tatlong Delica vans upang hindi ito "mahatak" ng pinagkunan ng vans.
Iginiit ni Trillanes ng sumagot ito ng "pabalang" sa senador na wala siyang balak na takutin ang inutangan ng mga van sa sandaling hindi ito mabayaran ng kanyang ina at wala din siyang itinatagong yaman o ninakaw sa pamahalaan.
Inamin ni Trillanes na bukod sa suweldong P20,000 kada buwan bilang opisyal ng Navy ay consultant din siya sa FYI Consultancy. (Ulat ni Rudy Andal)