Magpakita kayo ng ebidensiya - Iraq

Hinamon kahapon ng Iraq Embassy na nakabase sa bansa ang pamahalaan na magpakita ng ebidensiya na nagpapatunay na sangkot o konektado ang isang Iraq Embassy official sa rebeldeng Abu Sayyaf.

Ito ang inihayag kahapon ni Iraqi Charge d’ Affaires Samir Bolus kasunod ng pagbubunyag ni Foreign Affairs Secretary Blas Ople base sa natanggap na intelligence report na sangkot si Iraqi Embassy Second Secretary Husham Zed Husain sa nasabing teroristang grupo. Kinondena at pinabulaanan ng Iraq ang mga ulat na nag-uugnay sa naturang second secretary ng Iraq Embassy sa ASG.

Kaugnay nito, sinabi ni DFA Usec. for policy Lauro Baja Jr. na agad nilang ilalabas ang ebidensiya laban kay Husain kapag isinumite na ng Natioal Intelligence Coordinating Agency sa DFA.

Niliwanag ni Baja na kung mapapatunayan na magsisilbing national security threat si Husain sa bansa dahil sa pagkakaugnay sa ASG, posibleng maideklara itong persona non grata sa Pilipinas. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments