Camacho mananatili sa Gabinete

Mananatili bilang miyembro ng Gabinete si Finance Secretary Jose Isidro Camacho sa kabila ng panawagan ng oposisyon na kailangan na itong magbitiw sa puwesto dahil sa pagkakadawit nito sa kuwestiyonableng P35 bilyong zero-coupon bonds o Poverty Eradication and Alleviation Certificates (PEACe) bonds.

"He is staying," wika ng Pangulo kasabay ng pahayag na hindi na kailangang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa kaso dahil mayroon nang pagsisiyasat na ginagawa ang Senado.

"There is an investigation going on. Personally, I find that it’s in order. It was a competitive bidding. It’s the money of Rizal Banking Corporation. Its not the money of the government," anang Pangulo.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng Senado na bago naibigay ang bond sa RCBC ay nagdaos ng pulong sa bahay ni Camacho ang mga miyembro ng Code-NGO na ang chairman ay ang kapatid nitong si Ma. Socorro Camacho, at mga opisyal ng Bureau of Treasury.

Sinabi ni Camacho na hindi siya nakialam sa anumang bahagi ng transaksiyon sa Peace bond.

Lumabas sa Senate hearing na ang gobyerno ay nawalan ng hanggang P5 bilyon dahil sa exemption sa buwis matapos tumulong ang mga opisyal ng pamahalaan sa Code-NGO sa paglilimita ng mga kalahok sa bidding. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments