^

Bansa

Rod Strunk 'utak' sa pagpatay kay Nida

-
Sumuko na sa PNP-Task Force Marsha ang self-confessed killer ni Nida Blanca at itinuro ang asawa ng aktres bilang umano’y "utak" sa karumal-dumal na krimen.

Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, iniharap ang suspek na si Philip Medel Jr., alyas Jun, 54, ng Cebu City, nanunuluyan sa 9-3 Cidico Apartment, Kamias Quezon City, isang professional hired killer at umano’y nagsilbi bilang dating security consultant ni Jude Estrada base na rin sa nakuhang identification card dito mula sa Malacañang Palace na may markang JE-928 OPS 16.

Iniharap rin sa press conference ang kitchen knife na may tatlong pulgada ang haba na ginamit sa pagpatay kay Blanca.

"I hope mankind will understand the sin I have blindly committed. By this instrument, I am executing with what is supposed to give justice to the innocent soul of Ms. Blanca. I am now turning myself as a voluntary witness to the evil design of Mr. Strunk and his evil cahoots,"
pahayag ng written statement ng suspek sa Task Force Marsha.

Ayon sa umaming killer, nabagabag ang kanyang konsensiya sa ginawang pagpaslang sa aktres kaya siya lumutang. Handa umano siyang panagutan ang nagawang krimen.

Base sa isinagawang tactical interrogation sa suspek, kinuha ang kanyang serbisyo ni Strunk sa pamamagitan ng isang nagngangalang Mike Martinez sa halagang P50,000 para takutin ang isang Fil-Chinese businesswoman na umano’y may kasong estafa pero di niya batid na ang aktres ang kanilang titirahin. Nalaman lang niya na si Strunk pala ang asawa ni Blanca ng mapanood niya ito sa telebisyon at marinig sa radyo.

Sa kanilang kasunduan, itotorture lamang niya ang biktima at ipalalabas dito ang dokumento hinggil sa mana para baguhin ang testimonya pero napilitan umano siyang patayin ng manlaban ang aktres.

Nakasaad pa sa affidavit ng suspek na nanonood pa umano si Strunk nang isagawa ang krimen kasama ang dalawang tomboy na di muna tinukoy ang mga pangalan at isang driver.

Si Strunk pa umano mismo ang sumipa sa aktres papasok sa kotse dakong 1:30 ng madaling araw noong Nobyembre 7 ilang oras bago ito natagpuang patay sa backseat ng kanyang kotsen Nissan Sentra sa parking area sa 6th floor ng Atlanta Centre sa Greenhills, San Juan.

Sa salaysay ng suspek, noong hapon dakong 5:30 nang Nobyembre 6 ay sinundo siya ni Strunk sa kanto ng Edsa at Santolan sa tabi ng Camp Crame.

Mula dito ay umikot sila sa Greenhills at kumain sa Kamayan malapit sa Galleria at pagkatapos ay umikot muli sa Greenhills.

Bandang alas-10 ng gabi ay nagtungo sila sa parking area sa 6th floor ng Atlanta Tower.

Hindi umano mapakali si Strunk na tila naiinip sa paghihintay at makalipas ang 30 minuto ay sinabi nito na: "Maiwan ka muna, maghintay ka d’yan" at binuksan nito ang kotse ng aktres at pinagpahinga siya sa loob.

Sa sobrang pagkainip ay nanigarilyo pa umano siya habang nagte-text at halos makatulog na sa paghihintay nang dumating na magkakasama sina Strunk at dalawang tomboy na nagtatalo.

Dakong 1:30-2:30 ng madaling araw ay may isang babaeng nagmamadali sa paglalakad na pinigilan ni Strunk at nang dalawang tomboy at sapilitang ipinasok sa nakaparadang kotse.

"Sino yan,"
tanong pa umano ni Blanca nang makita siya sa sasakyan.

Nagkaroon ng kalabugan sa loob ng sasakyan at nadinig pa niyang pilit ipinapabago sa aktres ang umano’y dokumento sa dapat manahin ni Rod na umano’y nagrereklamo dahil tila mas malaki ang mapupunta sa nag-iisang anak na si Katherine "Kaye" Torres.

Dito na umano ipinagulpi ni Strunk sa kanya si Blanca at pagsasaksakin sa utos umano ni Strunk na umano’y sobra ang galit ng mga sandaling yon.

Matapos mapatay si Blanca ay lumisan na sina Strunk at sinabihan na lang siya na "Kontakin mo na lang si Mike para sa bayad."

Pinaghahanap na ng mga awtoridad sina Mike at ang dalawang tomboy na hindi pa kinikilala.
Strunk binabantayan sa White Plains; warrant of arrest hinihintay
Kasabay ng pagputok ng salaysay ng hired killer na si Philip Medel ay dumagsa sa bahay ni Nida Blanca sa #28 Nathan st., White Plains sa Quezon City ang mga operatiba mula sa PNP-Task Force Marsha, Eastern Police District, San Juan Police- Special Weapons and Tactics at Central Police District para mag-antabay sa gagawing pag-aresto kay Rod Strunk.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy na binabantayan ng mga pulis ang nasabing lugar hanggang sa dumating ang hinihintay na warrant of arrest.

Anumang oras ay maaari nang arestuhin si Strunk na napag-alamang nagkukulong pa rin at buong hapon kumokonsulta sa kanyang mga abogado.

Patuloy pa ring tumatanggi ang pamilya ni Blanca na magbigay ng pahayag matapos madawit ang pangalan ni Strunk na siyang umano’y nagpapatay sa aktres. Ang kanilang pananahimik ay alinsunod umano sa payo ng kanilang abogado. (Jhay Mejias)
Hold departure kay Rod inutos
Ipinag-utos na kahapon ng Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Immigration na magpalabas ito ng hold departure order laban kay Rod Strunk.

Sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez na hindi palalabasin ng bansa si Strunk upang di nito matakasan ang isasampang kaso laban dito.

Mahigpit din pinababantayan ni Perez ang seguridad ni Medel dahil sa malaki ang posibilidad nito na maging witness sa halip na suspek.

Pinag-aaralan na ng DOJ kung maaaring isailalim sa Witness Protection Program si Medel at ang pamilya nito.

Samantala, nasiyahan si Pangulong Arroyo sa mabilis na pagkakalutas sa kasong pagpatay sa aktres na si Nida Blanca.

Pinapurihan ng Pangulo ang ginawang pagtatrabaho ng PNP sa paglutas sa nasabing kaso. (Grace Amargo/Ely Saludar)
'Biyernes pa alam na si Strunk ang suspek sa pagpatay’
Inihayag naman ni Sen. Vicente "Tito" Sotto III na Biyernes pa ay alam na nilang suspek si Rod Strunk sa pagpatay kay Nida Blanca at inililigaw lamang ng Task Force Marsha ang media upang hindi matuon ang pansin kay Strunk na una nang pinaghinalaan ng pulisya dahil baka makalabas ito ng bansa.

"As early as Friday, alam na natin kung sino ang iniimbestigahan. Inililigaw lamang ang media dahil maraming gustong mag-imbestiga. Kung matutukoy kaagad na sangkot si Strunk sa pagpatay, baka makatakas," paliwanag ni Sotto.

Sadya umanong inilihim ng Task Force Marsha ang backdoor investigation dahil kahit media ay mag-iimbestiga na siyang nakagugulo sa imbestigasyon. (Ulat nina Joy Cantos, Jhay Mejias, Grace Amargo. Ely Saludar at Rudy Andal)

AKTRES

BLANCA

CAMP CRAME

ELY SALUDAR

NIDA BLANCA

ROD STRUNK

STRUNK

TASK FORCE MARSHA

UMANO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with