‘Mary Grace Piattos’ ipapa-subpoena

MANILA, Philippines — Ipapa-subpoena ng prosecution panel ang kontrobersyal na si Mary Grace Piattos, isa sa mga pangalang lumitaw sa acknowledgement receipts ng Office of the Vice President (OVP) na umano’y tumanggap ng malaking halaga mula sa confidential funds ni VP Sara Duterte.
“Isa-subpoena namin si Mary Grace Piattos,” pahayag ni House private prosecutor Atty. Lorna Kapunan sa ika-12 araw ng impeachment trial.
Ayon kay Kapunan, pinagsamang pangalan ng cake at sitsirya ang “Piattos,” at hindi pa nila matukoy kung totoong tao o alias lamang ito.
“Hinahanap pa namin, hindi namin makita. Kung saan-saan kaming Mary Grace na pumunta hindi namin makita. Papadala namin sa OVP yung subpoena,” dagdag niya.
Binanggit ni Kapunan na kabilang sa kanilang mga ihaharap na testigo ay isang eksperto sa signature analysis upang beripikahin ang mga pirma sa acknowledgement receipts na isinumite ng OVP sa Commission on Audit.
Sa kasalukuyan, tinatalakay ng impeachment court ang unang artikulo ng kaso laban kay Duterte hinggil sa umano’y paglulustay ng P500-M confidential funds ng OVP at P112.5-M confidential funds ng DepEd noong siya pa ang kalihim ng ahensiya.
Ayon kay prosecution panel adviser at spokesman Robert Ace Barbers, panahon na para lumantad si Mary Grace Piattos upang malinawan kung siya ba ay totoong tao o imbentong pangalan lamang.
“It’s high time na lumabas siya at magpakilala,” ani Barbers.
- Latest




















