Road Warriors umeskapo sa Dyip

MANILA, Philippines — Muntikan nang masilat ang NLEX bago maitakas ang ga-hiblang 101-100 panalo kontra Terrafirma upang manatiling walang galos sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Montalban, Rizal.
Hindi naka-iskor ang Road Warriors sa huling 4 na minuto subalit naging sapat ang naipundar na puhunan kontra sa Dyip na kinulang sa oras upang makumpleto ang pambihirang balikwas.
Abante sa 2-0 ang Road Warriors para sa solo liderato ng Group A pero ayon kay bagong head coach Jimmy Alapag ay malayo pa ang landas na tatahakin ng Road Warriors bago maging top contender.
“We have to give a lot of credits to Terrafirma. They played great so credits to them and their staff. We have to do a better job. I don’t think I did a good job in the 4th quarter, putting us into position (of almost losing),” ani Alapag sa kanyang ikalawang salang bilang head coach matapos ang makulay na playing career sa PBA.
Sumandal ang NLEX kay import DeQuan Jones na nagtala ng 30 puntos, 7 rebounds at 4 assists sahog pa ang 3 tapal.
Subalit nagkasya lang sa 12 marker ang ace guard na si Robert Bolick bagama’t may 4 rebounds at 7 assists habang wala nang ibang NLEX na nakaiskor ng double digits.
Kabilang sa rehistro ni Bolick ang 4-point shots sa huling 4:15 marka upang ibalik sa control ang NLEX, 101-91.
Iyon na ang huling bira ng NLEX nang magpakawala ng 9-0 kartada ang Terrafirma na tinuldukan ng jumper ni import Justin Anthony Strings para makalapit sa 100-101 sa huling 42 segundo.
Sablay ang pang-selyo sanang 4 points ni Bolick pati na ang tres ni Xyrus Torres at sa kabutihang palad ay kabyos din sa sumunod na possession ang game-winner na tres ni Strings para sa dikit na kabiguan ng Dyip.
- Latest





















