Lacson: Marcoleta laging ‘pabida’

MANILA, Philippines — Binuweltahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Martes si Sen. Rodante Marcoleta na tinawag pa niyang laging pabida dahil umano sa mga personal na atake sa kanya.
“Dahil gusto rin lamang ni Senator Marcoleta na lagi siya ang bida, bilang dating chairman ng BRC, o sa usaping West Philippine Sea, o anumang issue involving China, o dili kaya ay sa usaping restitution ng mag-asawang Discaya – siya na nga ang tunay na bida,” pahayag ni Lacson sa kanyang privilege speech.
Binanggit ni Lacson ang mga ilang halimbawa ang mga personal na pag-atake sa kanya habang tinatalakay ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, usapin ng pinag-aagawang West Philippine Sea, at flood control fund anomaly.
Iginiit ni Lacson na ang paglalabas ni Marcoleta ng tinaguriang “minority report” at ang nilalaman nito ay isang paglapastangan sa Blue Ribbon at sa kanya bilang chairman.
“Wala sa lugar. Wala sa hulog. Sa ganang akin lang din naman: kagulat-gulat po ba ang naging reaksyon ng representasyon na ito na walang lugar ang ulat na yan kundi sa basurahan?” aniya.
Sabi ni Lacson na tila naging obsesyon na ni Marcoleta ang kanyang mga pahayag hanggang sa puntong sinusundan umano nito ang kanyang mga panayam at social media updates at pinupuna ang bawat pahayag.
“Ewan ko, Mr. President -- simula nang nasopla ko si Senator Marcoleta sa floor ay tila nagtanim na siya ng poot sa kanyang dibdib,” ani Lacson.
Matatandaan na pinuna ni Lacson ang tila pagtatanggol ni Marcoleta sa mag-asawang contractors ng flood control projects na sina Curlee at Sarah Discaya.
“Tila kumikilos pa siya bilang abogado ng mag-asawang Discaya, nang hindi ibinubunyag sa komite na ang isang miyembro ng kanyang pamilya ay independent director ng mga insurance company na nagbigay ng bonds sa mga contractor na pag-aari ng P207 bilyong flood-control contractors na sina Curlee at Sarah Discaya,” dagdag ni Lacson.
- Latest

















