PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Good Move ng NCAA

HINDI lang pala isa ang miyembrong idadagdag ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) kundi tatlo!

Kahit paano’y marami ang nagulat sa announcement na ginawa ng NCAA Policy Board matapos ang kanilang meeting nitong nakaraang linggo. Kasi nga, ang ine-expect ng karamihan ay isa lang ang magiging bagong miyembro ng pinakamatandang organized sports body sa bansa.

Kasi nama’y palaging sinasabi na ang ideal number of teams sa isang liga ay walo. Madaling mag-schedule ng mga laro sa ganitong bilang ng koponan hindi lamang sa larangan ng basketball.

Hindi nga ba’t sa track ang field oval ay walo din ang lanes. Ganoon din sa swimming competitions. So kahit doon ay ideal ang eight. Kapag sumobra sa walo, kakailanganin ng dalawang heats para magkatalo. Kapag pinanood ang dalawang magkahiwalay na heats, parang hindi ganoong ka-exciting although makikita pa rin naman ang time. Pero maganda nga kasi ‘yung isang banatan na lang at kita na kaagad kung sino ang nagwagi!

Pero okay din naman ang idea na ito ng NCAA na mag-expand sa sampung teams. Matagal na rin namang kumakatok sa pinto ng NCAA ang napakaraming applicants. Kumbaga’y ‘the more, the merrier!’

So, alin nga ba sa apat na nalalabing applicants ang tatanggapin ng NCAA. Kasi nga, sa dami ng nag-apply, apat na lang ang pinagpipilian at ito’y ang Arellano University, Emilio Aguinaldo College, Lyceum of the Philippines at Angeles University Foundation.

Kung ‘proximity’ ang pag-uusapan, puwedeng yung tatlong eskuwelahang nasa Metro Manila ang tanggapin dahil nandito na sila, e. Maganda nga naman ‘yung magkakalapit lang ang mga eskuwelang naglalaban. Kung maging host man sa future ang alinman sa tatlong teams na ito ay hindi na malayo ang pupuntahan. Dito-dito na lang.

Pero kung talagang expansion ang pag-uusapan, aba’y magandang kandidato ang Angeles University Foundation na nasa Pampanga. Hindi naman kalayuan ang Pampanga, e. Madaling makarating sa AUF dahil sa NLEX lang dadaan.

Ang maganda dito’y mae-expose ang isang eskuwelahan sa Pampanga sa national television. Makikita ng mga Cabalen ang kanilang mga manlalarong nagko-compete sa basketball na ine-ere sa Studio 23.

Mas marami ang maeengganyo na mag-aral sa Pampanga kaysa lumuwas sa Maynila. Kasi nga’y puwedeng mangarap ang ibang eskuwelahan sa Pampanga na ma-televise din ang laro nila.

Ang siste’y medyo mababawasan ang mga Kapampangan na mare-recruit ng NCAA o UAAP schools dahil mas mamabutihin pa nilang maglaro sa AUF kaysa lumuwas sa Maynila. Ganoon naman din kasi ang television exposure na makukuha nila.

Nakakapanabik ang mga developments sa NCAA.

  • Follow Us: