Lim pasok sa 2nd round ng Australian Open
MANILA, Philippines – Engrandeng binuksan ni Pinoy netter Alberto Lim Jr. ang kampanya nito matapos pulbusin si Bang Shuo Yin ng Chinese-Taipei, 6-4 6-4, sa first round ng boys’ singles ng 2017 Australian Open juniors championship na ginaganap sa Melbourne Park.
Hataw ang 16th-seed na si Lim ng kabuuang 69 puntos kung saan bumira ito ng apat na aces sa bakbakang umabot lamang ng 75 minuto.
Naisaayos ni Lim ang pakikipagtuos sa second round kay Maxence Broville ng France na nagtala ng 7-5, 6-4 panalo laban kay Thomas Bosacic ng Australia sa opening round.
Makakapares ni Lim sa doubles si Alexandre Rotsaert ng Amerika laban kina fourth picks Yu Hsiou Hsu ng Chinese-Taipei at Zhao Liingxi ng China.
Bigo naman sina Fil-American Treat Huey at Belarusian Max Mirnyi nang lumasap ng kabiguan sa second round ng men’s doubles.
Inilabas ng 10th seed na sina Huey at Mirnyi ang kanilang buong lakas subalit kapos pa rin ito upang magtamo ng 6-7 (10), 6-7 (5) desisyon laban kina unseeded Australian pair Sam Groth at Chris Guccione.
Tumagal ang laro ng isang oras at 54 minuto kung saan nagpakawala ang tambalan nina Groth at Guccione ng 17 umaatikabong aces na siyang naging malakas na armas nito upang pataubin sina Huey at Mirnyi.
Nakalikom ng kabuuang 97 puntos ang Australian tandem laban kina Huey at Mirnyi.
Mayroon ring 87 percent accuracy rate sina Groth at Guccione sa first serve at 54 percent sa second serve.
Nakakuha lamang ng anim na aces sina Huey at Mirnyi kasabay pa ang 10 unforced errors kabilang ang anim na double faults.
Babawi si Huey sa mixed doubles katuwang si Andreja Klepac ng Slovenia.
Lalarga sina Huey at Klepac laban kina Michaella Krajicek ng Netherlands at Raven Klaasen ng South Africa sa first round.
- Latest