Kongreso handa sa impeach Sereno
MANILA, Philippines - Hinihintay na lamang ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na may mambabatas na mag-indorso bago simulan ang deliberasyon sa isinampang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, naisampa na ang impeachment complaint laban kay Sereno at sa sandaling may kongresista ng mag-indorso nito ay ipoproseso na ito upang alamin kung may sapat na basehan bago talakayin ng mga mambabatas.
Una rito, sinampahan ng impeachment ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Dante Jimenez si Sereno sa House Secretary General.
Samantala, ang ikalawang impeachment complaint laban kay Sereno na isinampa ni Atty. Larry Gadon ay naghihintay pa ng mambabatas na mag-iindorso.
Kabilang sa basehan ng impeachment kay Sereno ay betrayal of public trust na isang impeachable offense sa 1987 Constitution, pagbili nito ng Toyota Land Cruiser na nagkakahalaga ng P5.1 M na umano’y nasa P4.5 M lamang ang orihinal na presyo.
Bukod kay Sereno kabilang pa sa sinampahan ng impeachment complaint sa Kamara ay si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Magugunita na dinismis ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte habang nakabinbin din ang isyu ng impeachment laban kay Vice Pres. Leni Robredo.
- Latest