Robredo landslide winner sa UP mock polls
MANILA, Philippines - Landslide pabor kay Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo ang resulta ng mock elections na ginawa ng Alpha Sigma Fraternity sa UP Diliman at UP Los Baños kamakailan.
Sa eleksiyon na nilahukan ng 11,755 respondents at ginawa mula Feb. 24 hanggang March 11, nakakuha si Robredo ng 4,715 boto o 41 percent habang sina Sen. Chiz Escudero at Alan Peter Cayetano ay mayroong 1,939 at 1,874 boto, ayon sa pagkakasunod.
Pang-apat si Sen. Ferdinand Marcos Jr. na may 1,447 boto, ikalima si Sen. Antonio Trillanes IV na may 475 at Sen. Gregorio Honasan II na may 474.
Umakyat pa sa 80 porsiyento ang nakuhang boto ni Robredo sa ginawang follow-up mock election ng UPSE SIDHI, ang opisyal na student publication ng UP School of Economics, mula March 8-11 at March 15-18.
Ang nasabing survey ay may 210 respondents, kung saan 22 ang freshman, 35 ang sophomores, 87 juniors, 29 seniors, 3 mula sa Graduate Program at 34 mula sa faculty at staff.
Pangalawa lang si Escudero na mayroong siyam na porsiyento habang ikatlo si Cayetano na mayroong limang porsiyento. Ikaapat si Marcos na may dalawang porsiyento habang parehong walang nakuhang boto sina Honasan at Trillanes.
Kamakailan, tumabla si Robredo sa unang puwesto sa bagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Nakakuha si Robredo ng 24 percent sa bagong survey, mataas ng limang porsiyento sa kanyang dating rating noong Pebrero, habang si Escudero ay may 28 percent at si Marcos ay 26 percent.
- Latest






















