Trenas nagbabala vs China products
MANILA, Philippines - Pinakikilos ni Iloilo City Rep. Jerry Trenas sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health at Bureau of Customs (BoC), para matiyak ang mga kalakal galing China ay ligtas sa publiko at hindi mapanganib sa kalusugan nila.
Ayon kay Trenas, nakatanggap siya ng mga ulat na ang iba sa mga produktong galing mainland China ay nakakalason dahil may halo itong sulfur dioxide, lead at flourescent dye na maaring ikamatay ng mga gumagamit.
Sabi ni Trenas, talamak sa mga merkado ang mga China made consumer goods tulad ng mga pagkain, inumin, kitchen utensils, damit at mga laruan ng bata na hindi agad nabibigyan pansin para maiksamin ang mga ito nang ilang ahensiya ng pamahalaan kung ligtas ito sa kalusugan.
Ayon kay Trenas, kailangan bumuo ng isang multi-agency task force para ang mga ito ang susuri sa mga produktong galing China at kung may mga nakitang problema ay ipagbawal ang pagpasok nito sa bansa.
Nangangamba si Trenas na magdudulot pa ng panganib sa publiko ang mga produktong nilalako sa Divisoria, Baclaran at sa ibang pamilihan dahil ang mga ito aniya ay hindi nabubusisi para sa safety at health hazard inspection ng ilang ahensiya ng pamahalaan.
- Latest


















