Sen. Drilon lider na ng minorya
MANILA, Philippines - Mula sa pagiging Senate president noong nakaraang Kongreso, at Senate president pro-tempore noong pumasok ang kasalukuyang 17th Congress, nahalal kahapon bilang Senate minority leader si Senator Franklin Drilon.
Sa pagsisimula ng sesyon, ini-nominate ni Senator Bam Aquino si Drilon bilang kanilang lider sa minorya.
“Mr. President on behalf of the minority we would like to nominate Senator Frank Drilon to be our minority floor leader,” ani Aquino.
Agad namang sinuportahan ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang mosyon ni Aquino at isinara ang period ng nominasyon.
Dahil walang nag-object at hindi naman kailangang magsagawa pa ng botohan sa ilalim ng rules ng Senado, pinagtibay ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel ang pagkakatalaga kay Drilon.
Itinalaga naman ni Drilon si Senator Aquino bilang kanyang assistant minority leader.
Samantala, nagpadala rin ng sulat kahapon si Senator Leila de Lima kay Pimentel upang ipaalam na pormal siyang nagwi-withdraw sa mayorya at sumasapi na sa minorya.
“This is to give notice that I am formally withdrawing from the majority in order to join the minority bloc in the Senate,” ani de Lima sa kanyang sulat kay Pimentel.
Sa ngayon ang mga kasapi ng minorya sa Senado ay sina Drilon, Aquino, Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Risa Hontiveros, de Lima, at Antonio Trillanes.
- Latest