NPA raid: 1 pulis , rebel commander patay

MANILA, Philippines - Sinalakay ng tinatayang 30 miyembro ng  New People’s Army (NPA) ang himpilan ng pulisya at munisipyo na ikinasawi ng isang pulis at isang kumander ng mga rebelde habang tatlo pa ang nasugatan kabilang ang isang sibilyan sa bayan ng Medina, Misamis Oriental kamakalawa ng hapon.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 10 Director, Chief Supt. Conrado Laza, bandang alas-5:45 ng hapon ng sumalakay ang mga rebelde na lulan ng tatlong kinomander na van na agad pinaulanan ng bala ang Medina Municipal Police Station at maging ang katabi nitong munisipyo.

Agad namang nagdepensa ang mga pulis na nasa loob ng nasabing himpilan na nagresulta sa dalawang oras na bakbakan  na ikinasawi ng isang opisyal ng mga rebelde  na tinukoy sa alyas na Kumander Hakim.

Sa ulat naman ni Army’s 4th Infantry Division (ID) Spokesman Major Eugenio Julio Osias IV, kinilala ang nasawing pulis na si SPO4 Editho Baylon at ang mga nasugatan na isinugod sa pagamutan ay nakilala lamang sa mga apelyidong SPO1 Sendiong at SPO2 Rombo gayundin ang si­bilyang si Ronilito Olip.

Ang mga rebelde ay nagsiatras sa sagupaan matapos na duguang tumimbuwang si Kumander Hakim at namataang paparating ang reinforcement ng tropa ni Col. Romeo Gapuz ng Army’s 403rd Infantry Brigade.

Nabatid pa na kasalukuyang pauwi na si Medina Mayor Pacifico Popos ng mangyari ang pagpapaulan ng bala ng mga rebelde sa nasabing munisipyo kung saan tinamaan ang mga sasakyang nakaparada dito na katabi lamang ng himpilan ng pulisya.

Narekober naman ang 3 van na ginamit ng mga rebelde sa pursuit operation ng pulisya at militar sa Brgy. San Isidro ng bayang ito.

Show comments