Magpinsan pinagbabaril ng kapitbahay

MANILA, Philippines – Isang 17-anyos na dalagita ang nasawi habang sugatan naman ang pinsan nito makaraang pagbabarilin ng isang pasaway na tricycle driver na sinita nila nang maaktuhang naghahagis ng bote habang sinasalubong ang Bagong Taon kahapon ng madaling araw sa Urdaneta City, Pangasinan.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Lyka Guiro.Habang nasugatan at ginagamot ang pinsan nitong si Rosemarie Clune, 27.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si Noel Estantino, residente sa lugar.

Sa ulat ng Pangasinan Police, naitala ang insidente sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Brgy. Bayaoas, Urdaneta City bandang alas-2:45 ng madaling araw.

Nabatid na sinita ng magpinsan ang nakainom na si Estantino na nagbabasag ng bote na inihahagis sa kalye mula sa bintana ng kanilang bahay.

Nairita umano si Estantino nang pagsabihan siya ng magpinsan na nakakaperwisyo ang kanyang ginagawa nang  bigla nitong kinuha ang armalite rifle at pinagbabaril ang magpinsan.

Show comments