Rollback sa presyo ng diesel at kerosene

MANILA, Philippines - Kakarampot  na halaga ang itinapyas ng mga kompanya ng langis sa ilan nilang mga produktong petrolyo ngayong Martes ng umaga.

Pinangunahan ng Pilipinas Shell ang pagtatapyas ng 35 sentimos sa kada litro sa presyo ng Kerosene at 10 sentimos naman sa kada litro sa diesel na epektibo ngayon alas-12:01 ng hatinggabi. Wala namang paggalaw sa presyo ng premium at unleaded gasoline.

Agad naman sumunod sa kaparehas ding halaga ng pagbaba ng presyo ng kanilang produktong petrolyo ang kompanyang Sea Oil. Inaasahan naman na susunod sa naturang galaw sa presyo ang iba pang mga kompanya ng langis.

Sa ipinadalang text advisory ni Ina Sorinao ng Pilipinas Shell ang bawas presyo ng kanilang mga produktong ay kasunod ng pagbaba ng presyuhan sa pandaigdigang merkado.

Huling nagpatupad ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis noong Enero 13 na nagtapyas ng P0.85 kada litro sa gasoline, P1.10 kada litro sa  kerosene at P0.90 naman sa diesel.

Show comments