Insecure dahil baog

Dear Dr. Love,

Sa sampung taong pagsasama namin ng asawa kong si Susan, hindi ko akalain na marami siyang insecurities sa aming relasyon dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin kami magkaanak.

Nalaman ko ang lahat ng pangamba ng aking asawa nang matukso akong buksan ang diary niya, na nakita ko sa aming kabinet nang minsang hinahanap ko ang kapares ng aking medyas.

Makailang ulit na kaming nagpatingin sa espesyalista, na sinasabing may pag-asa kaming magkaanak. Pero mag-40-anyos na si Susan ngayon, kaya naman ikinasa na namin ang huling option.

Magpapasailalim siya sa artipisyal na pagbubuntis. Kahit na may kamahalan ay pinatos na namin, bago pa tuluyang mahuli ang lahat.

Ang kalagayan palang ito ni Susan ay sobra niyang dinidibdib, nadagdag pa ang nalaman niyang pagkakaroon ko ng anak sa pagkabinata. Sa diary niya inilabas, na malaking takot niya na dumating ang sandaling iwanan ko siya para sa aking anak at balikan ang aking dating ka-live in.

Aminado ako na nagiging interesado na ako sa bata. Dahil ang sabi ng aking kapatid ay kamukhang-kamukha ko si Boyet. Kung hindi nga lang sobrang selosa si Susan ay gugustuhin kong makilala ang aking anak.

May kalooban din ako na suportahan ang bata, Dr. Love ngayong nakakaluwag na ako sa buhay. Pero paano ko sasabihin ang tungkol dito sa aking asawa? Pagpayuhan po ninyo ako.

Maraming salamat.

Gumagalang,

Leodivico

Dear Leodivico,

Walang ibang makaka-deal sa insecurities na nararanasan ng asawa mo, kundi ikaw lang. Busugin mo siya sa atensiyon at pagmamahal, lagi mo rin iparamdam sa kanya na hindi mangyayari ang pinangangambahan niya.

Sa sandaling mapagtagumpayan mo ito, titiyakin ko sa’yong handa na rin siyang tanggapin ang anak mo sa pagkabinata. Tungkol sa hangad ninyong magkaanak, huwag kayong sumuko. Malaking bagay ang pagdarasal at pananalig sa Diyos na maibibigay Niya ang inyong hinahangad na anak. Kaya huwag kayong susuko.

DR. LOVE

Show comments