Civil rights unang casualty sa Senate probe – Binay

MANILA, Philippines – Civil rights ang unang biktima sa pulitika sa likod ng isinasagawang mga imbestigasyon ng Senate sub-committee.

Ito ang patutsada ni Vice President Jejomar Binay na nagsabi pa na ang imbestigasyon sa Senado ay isang babala sa lahat na, alang-alang sa pulitika, ang karapatang sibil ang unang nadidisgrasya.

“Naaawa ako sa mga ordinaryong empleyado ng pamahalaan at mamamayan na binubugbog dito, ang epekto nito sa araw-araw nilang gawain, ang mga nararanasan nilang pagkutya ng ibang tao na hindi dapat danasin ng isang pribadong tao sa isang demokratikong lipunan,” sabi pa ni Binay.

Nananawagan siya sa taumbayan na suriing mabuti ang sinasabing imbestigasyon ng Senate sub-committee kung para saan talaga ito.

Kasalukuyang sinisiyasat ng naturang sub-committee ang umano’y kontrobersiyal na overpriced na gusali at cake sa Makati at ang mga ari-arian ni Binay.

“Una, nalantad nang isa lang pagtatangkang manira ng reputasyon ng aking pagkatao ang tinatawag na adyendang lehislatibo ng imbestigasyon sa pamamagitan ng pag-abuso sa parliamentary rules. Tulad ng pag-amin nila, iniimbestigahan lang nila ako dahil ayaw nilang kumandidato akong presidente. Halatang natatakot sila na, kung susuportahan ako ng mamamayan, mananagot sila sa kanilang mga kamalian at pag-abuso sa kapangyarihan,” sabi pa ni Binay. “Gusto nilang sila ang nasa kapangyarihan at nakikita nilang banta ako sa kanilang ambisyon.”

Kinontra ng Bise Presidente ang sinasabi pa na ang imbestigasyon ng Senate sub-committee ay tulong sa paggawa ng batas.

Ayon kay Binay, ang lehislatibong katangian ng imbestigasyon ay hinalinhan ng imbestigasyong ang dapat gumawa ay ang mga korte.

“Nananawagan ako sa mamamayan na suriing mabuti ang direksiyon ng tinatawag na imbestigasyon. Sa ngayon, ang ginagawa nila ay hiyain ako at ang aking pamilya na isang klase ng kabalbalang hindi ko nakita sa Senado noon,” sabi pa ni Binay.

Show comments