Tumanggap ng goodwill money ni Napoles ‘di dapat kasuhan - Solon

MANILA, Philippines - Hindi umano dapat kasuhan ang mga mambabatas na tumanggap ng goodwill money mula kay Janet Lim-Napoles.

Sinabi ni Northern Samar Rep, Emil Ong, hindi naman public money ang ibinigay ni Napoles sa halip ay sarili nitong pera.

Iginiit pa ni Ong na kung kumita si Napoles sa mga deals nito at nagbigay bilang goodwill sa mga mambabatas ay walang kasalanan dito ang mga kongresista at senador.

Inihalimbawa nito na kung si Napoles ay kumatok sa bahay ng isang mambabatas at nagbigay ng pera at hindi tanggapin ay baka sabihin pa umano ng iba na sira ulo ito kung hindi kukunin ang ibinibigay na salapi.

Samantala, iginiit naman ni Cebu Rep. Raul del Mar na dapat isumite din sa Kamara ang listahan na mula kay Napoles dahil karapatan din ng mga kongresista  na mabigyan ng pagkakataon na makompronta ito at maipagtanggol ang kanilang sarili.

Isa ang pangalan ni del Mar na nasa listahan su­balit mariin nitong pinabulaanan ang pagkakasangkot sa naturang anomalya dahil hindi umano nito kilala si Napoles at kailanman ay hindi siya nakipagtransaksyon dito.

Show comments