Chairman Ginez, pinagbibitiw sa puwesto

MANILA, Philippines - Pinagbibitiw sa puwesto ng Independent Minority block sa Kamara si Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) chairman Winston Ginez dahilan sa sunod-sunod na malalagim na aksidente na kinasasangkutan ng mga bus.

Ayon sa nasabing grupo, kailangan na magbitiw sa puwesto si Ginez, dahil sa kawalan ng franchise system ng LTFRB  at hindi rin nito alam kung ilan ang nabigyan ng prangkisa sa buong Pilipinas.

Paliwanag pa ng mga mambabatas ayaw na nilang hintayin pa na kada linggo ay magkaroon ng malagim na aksidente ng mga bus at tanging ang responsibilidad lang ni Ginez ay isuspinde ang prangkisa ng mga sangkot sa aksidente.

Ang independent minority block ay kinabibilangan nina Reps. Martin Romualdez (Leyte) Lito Atienza (Buhay partylist), Aleta Suarez (Quezon), Jonathan dela Cruz (Abakada) at Philip Pichay (Surigao del Sur).

Giit pa ng grupo, kung hindi naman umano mag­bibitiw si Ginez ay dapat nitong akuin ang lahat  ng responsibilidad sa mga nangyayaring aksidente ng mga bus.

Nais din malaman ng independent minority block, kung paano at gaano kadalas mag inspeksyon sa mga bus ang mga opisyal ng Land Transportation Office at ilan na ang public transport companies na kanilang nadiskubreng hindi ligtas bumiyahe at kung ano ang aksyon na ginawa sa kumpanya.

Nakakalungkot umanong isipin na malalaman lang ng mga opisyal ang kanilang pagkukulang sa tuwing may nangyayaring malagim na aksidente tulad ng nangyari nang mahulog ang Don Mariano bus sa Skyway at sa Florida bus  na nahulog sa Bontoc kung saan 14 katao ang nasawi kabilang ang komedyanteng si Tado Jimenez.

Show comments