“May impakta sa tiyan ko!”(1)

GUWAPO at matangkad si Brando. Pang-atleta ang pangangatawan. Pero ang binatang ito ay may dalawang kapintasan—super tamad at lasenggo. Hindi lumilipas ang araw na siya ay umiinom.

Hindi mayaman si Brando, 2nd-year college lang ang natapos. Ngayo’y patrabatrabaho sa construction sites. 24 anyos na siya at ‘strike anywhere’ pagdating sa babae; wala siyang sini­seryosong girlfriend.

Sa gabing ito, napakasama ng loob ni Brando. Kung kailan kasi birthday niya ay saka naman siya nasibak sa trabaho sa construction.

Nakagawa raw siya ng labag sa alituntunin; tatlong ulit na hindi nagsuot ng proper outfit. Ma­ling sapin sa paa. Hindi nagsuot ng proteksiyon sa ulo sa site nang maraming ulit.

Napuno na ang kapatas kaya siya tinanggal nang tuluyan.

Dinaan ni Brando sa inom ang kabiguan. Kinansela niya ang dapat na blowout sa ilang kaibigan. Mag-isa siyang nakipagbuno sa boteng nakalalasing.

Talo siya, nalasing nang husto. Sa daan na inabot ng pagbagsak.

Sa madilim na sulok ng lunsod, sa tabi ng tambakan ng basura, paupong nakatulog si Brando.

Nakasandal siya sa poste, tulog na naka­nganga.

Weeeiinnn. May kung anong napakahinang tunog na papalapit.

Mula ito sa pabulusok na napakaliit na bagay, galing sa kalawakan. Hindi halos ito mapapansin sa dilim ng gabi.

Super-liit ang bagay na pabulusok. Nagla­lakbay ito nang napakibilis; faster than the speed of sound.

Zzzz. Ngooorrk.

Naghihilik si Brando, tulog pa rin. Naka­nganga.

Weinnnn.

Ang mahinang tunog ay nanatili, kumukulili sa sensitibong tenga.

Ewan kumbakit napadilat bigla si Brando, nakita ang munting bagay na nakalutang, umaaligid-aligid—papunta sa bibig niyang nakanganga.

Naunawaan ni Brando na ito’y wala pang 6 inches ang haba; tingin niya’y toy spaceship.

TSOMP. Pumasok ang munting bagay sa bu­ngangang nakanganga.

Nalulon ni Brando.  ITUTULOY

 

Show comments