Tips sa pagbubuhat

TINAWAGAN ako ng isang TV program sa ABS-CBN para talakayin ang problema ng mga babaing kargador. Ano ba ang nagiging sakit nila?

Ang sabi ko ay ang sakit sa likod ang pinakamadalas na problema ng mga nagbubuhat. Karaniwan, nag-uumpisa ito sa edad 40 pataas. Alamin natin ang mga naidudulot na sakit ng laging pagbubuhat.

1. Sakit sa likod – Ito talaga ang pinakamalaking problema ng lahat. Nahihirapan kasi ang masel natin sa likod. Baka magkaroon ka ng slipped disc o iyung lumihis ang buto sa likod.

2. Arthritis – Sasakit din ang mga kasu-kasuan natin, mula sa balikat, baywang at talampakan.

3. Luslos o hernia – Sa sobrang bigat ng kinakarga, puwedeng magkaroon ng luslos. Ito iyung may lumalabas na laman sa may singit o puwerta ng babae kapag sila’y umuubo o may kinakargang mabigat.

Paano iiwas sa mga sakit na ito?

Heto ang mga tips:

1. Umiwas sa pagbaluktot o pagbend ng likod. Siguraduhing laging derecho lang ang likod kapag may kinakarga, gamit man o bata ang binuhat. Mag-bend ng tuhod (squat) kung may bubuhatin mula sa sahig. Huwag ibaluktot ang likod. Gamitin ang masel sa hita para i-angat ang kagamitan.

2. Gumamit ng trolley o kariton para mapagaan ang kinakarga.

3. Mas madali ang magtulak ng bagay kaysa mag-hila. (Push, don’t pull.) Mas mahirap sa ating likod ang paghila.

4. Konti-konti lang ang buhatin. Kapag sobrang bigat na, hati-hatiin ang bubuhatin.

5. Magpatulong sa iyong kinakarga. Sa ganitong paraan, kalahati lang ang bigat sa iyo.

6. I-kondisyon ang ka­ tawan. Mag-ehersisyo at mag-stretching.

7. Kumain ng sapat at masustansya. Kumain nang maraming protina tulad ng karne at isda para lumakas ang katawan. Huwag puro kanin lang.

8.Uminom ng vitamins. Uminom din ng 10 basong tubig araw-araw.

9. At ang pinaka-importanteng tip sa lahat: Maghanap na ng bagong trabaho. May hangganan ang lakas ng ating kata­wan. Mag-isip ng ibang trabaho para sa iyo.

Good luck po!

Show comments