Kontra baha 3 bombastic pumping station, binuksan sa Navotas

MANILA, Philippines -  Upang maibsan ang pagbaha sa Navotas, tatlong bagong bombastic pumping stations ang binuksan dito sa isang barangay.

Ang pagbubukas ng naturang mga pumping station  ay pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco; Cong. Toby Tiangco at Sangguniang Panglungsod bilang karagdagan sa 34 bombastic pumping stations dito na nagsisilbing proteksyon sa pagpasok ng mataas na tubig mula sa Ma­labon-Navotas River tuwing high tide at may bagyo.

Matatagpuan ang 3 bagong bombastic pumping stations sa F. Ablola St., Vadeo 6 at Apugan, Brgy. Tangos habang ang dalawa pa ay gi­nagawa ngayon sa A. Santiago at M. Naval St., Brgy.  Sipac-Almacen.

“Malaki ang naitutulong ng bombastic pumping stations sa Navotas tuwing makakaranas ng sabay na malakas na pag-ulan at high tide,” ani ni Mayor Tiangco.

Dagdag pa niya, “sini­siguro natin na alerto ang mga mama­mayan at lalo na ang mga operator ng mga pumping station sa mga ganitong sitwasyon upang maiwasan na ang pagbaha.”

Ayon naman kay Cong. Tiangco, “magiging mas epektibo ang proyektong ito kung patuloy ang pakikiisa ng mga mamamayan sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang lugar o tamang pagtatapon ng basura upang hindi mabarahan ang daluyan ng tubig.”

Natapos na rin kama­ka­ilan ang dalawang bahagi ng Navotas Mega Dike mula Barangay  Bagumbayan North hanggang Navotas West.  Kapag natapos ang nasa­bing proyekto, ito naman ang magsisilbing permanenteng solusyon sa baha at proteksyon ng mga mamamayan na nakatira sa paligid ng Navotas coastal area na nakaharap sa Manila Bay, ayon pa sa kongresista.

 

Show comments