Pinoys na mawawalan ng trabaho sa US sagipin

Hiniling nina Senators Blas Ople at Tessie Aquino-Oreta kay Vice President at Foreign Affairs Secretary Teofisto Guingona Jr. na atasan ang ating embahada sa Estados Unidos na sagipin ang 1,200 Filipino baggage screeners sa tatlong major US airports na nakatakdang mawalan ng trabaho dahil sa diskriminasyon.

Sa ilalim ng bagong US Aviation Security Law, papalitan ng federal government ang mga private contractors at airlines employees nito kabilang ang mga baggage screeners sa pagmamantina ng mga international airports bilang paghihigpit sa kanilang seguridad,

Tanging ang mga US citizens na lamang ang puwedeng kunin bilang mga airport screeners kaya ang mga immigrants nito tulad ng Fil-Americans ay aalisin na dito, ayon sa ipinasang bagong batas sa US Aviation.

Nag-ugat ang pagkakaroon ng bagong batas na ito sa mga paliparan dahil sa nangyaring pag-atake ng mga terorista noong Sept. 11.

Winika ni Ople, hindi dapat husgahan ang kakayahan at katapan ng mga Filipino na naglilingkod bilang mga screeners sa tatlong airport sa California - San Francisco, San Jose at Oakland - bagkus ay kilala ang mga ito bilang magalang, tapat at mapagkakatiwalaang mga empleyado.

Sinabi naman ni Oreta na kung nagawang matulungan ng ating gobyerno ang libu-libong OFWs sa Hong Kong na nakatakda sanang bawasan ang mga sahod ay dapat ring tulungan ng Arroyo government ang mga Pinoy na ito sa US na nakatakdang mawalan ng trabaho. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments