Kaibigan (30)
LUMAPIT si Dex at nakiusyuso sa mga tao. May dumating na mga police car at kasunod ay ambulansiya.
Nakipagsiksikan siya. Pero hindi niya makita ang pinagkakalumpunan.
Tinanong niya ang isang lalaki.
“Manong anong nangyari diyan?’’
“Holdaper napatay ng mga pulis. Hinoldap ang dyip.’’
‘‘Yun ba ang nakabulagta?’’
‘‘Oo. Pero may nasaksak na pasahero ang holdaper bago ito napatay ng mga pulis.’’
“Ano ang nasaksak—lalaki o babae?’’
‘‘Lalaki. Lumaban daw sa holdaper. Ayaw ibigay ang cell phone at pitaka kaya sinaksak. Mabuti na lang at may mga pulis na nagroronda rito kaya napatay ang holdaper.’’
“Ang nasaksak na lalaki ng holdaper Manong, saan dinala?’’
“Sa ospital—diyan lang sa malapit.’’
‘‘Nakita mo ba ang itsura ng lalaki Manong ?’’
“Oo. Medyo guwapo. Matangkad. Nakasuot ng puti na t-shirt.’’
Nag-isip si Dex. Ayaw niyang isipin na si King ang nasaksak ng holdaper pero bakit kinakabahan siya. At saka paborito ni King na magsuot ng puting shirt. Hindi kaya si King ang nasaksak? Bakit malakas ang kutob niya?
‘‘Manong malubha po ba ang nasaksak?’’
“Hindi ko alam. Pero nadala agad siya sa ospital.’’
“Kasi nagdududa ako sa nasaksak—baka kaibigan ko ‘yun. Dito kasi siya bumababa ng dyip galing trabaho.’’
‘‘Mabuti pa, itsek mo sa ospital. Malapit lang dito ang ospital. Don dinala ng mga pulis. Para ka, makatiyak.’’
‘‘Sige Manong, punta ako sa ospital. Malakas ang kutob ko.’’
Nagtungo si Dex sa ospital. Alam niya ang ospital na ‘yun dahil minsan na siyang nakapagpatsek-ap noong nasa kolehiyo pa siya.
Deretso siya sa information para magtanong.
Bakit hindi mawala ang kaba ng dibdib niya. Sunud-sunod. (Itutuloy)
- Latest