BAGO umalis sa bahay, nagpaalam sina Dex at King kay Lara. Nag-kiss si King sa asawa.
‘‘Aalis na kami ni Dex, Lara. Ikaw na ang bahala rito.’’
‘‘Bahala ka nang magluto kung ano ang gusto mo, Lara. Mayroong isda at karne sa ref,’’ sabi ni Dex.
Tumango lang si Lara.
Umalis na sina Dex at King.
Naglakad sila patungo sa sakayan ng dyipni sa kanto. Habang naglalakad ay nagkukuwentuhan sila.
‘‘Mabuti pala at alam mo pa ang cell number ko, King.’’
‘‘Oo. Akala ko nga nagpalit ka ng number. Sabi ko kung nagpalit ka ng number baka mahirapan akong hanapin ka.’’
‘‘Mabuti pala at hindi pa ako nagpapalit, ha-ha-ha!’’
‘‘Para akong naghahanap ng karayom sa dayami kung nagkataon. Wala pa naman akong FB na puwede kitang ma-message.’’
‘‘Maiba ako, King. Nang huli tayong magkausap e sabi mo nasa Laguna ka at ikaw ang nagma-manage ng negosyo n’yo. Ano nang nangyari sa negosyio ?’’
‘‘Wala na. Nalugi!’’
‘‘Bakit?’’
‘‘Nalulong si Papa sa sugal at babae.’’
‘‘Talaga?’’
‘‘Ang daming utang na iniwan. Kulang pa ang pinagbentahan sa kabuhayan namin.’’
‘‘Nasan ang papa mo?’’
‘‘Patay na. Pagkatapos bumagsak ang negosyo, nagkasakit at namatay. Makalipas ang isang buwan, si Mama naman ang sumunod. Lalo kaming nabaon sa utang dahil sa nangyari.’’
‘‘Malungkot pala ang nangyari.’’
‘‘Grabe ang nangyari sa amin Dex. Mahirap pa kami sa daga ngayon.’’
‘‘Puwede namang makabawi.’’
‘‘Wala na. Kaya eto, nagbabakasakali rito. Mabuti na lang narito ka. Kung hindi, lalo kaming kawawa ni Lara.’’
(Itutuloy)