Huling Eba sa Paraiso (170)

TINUPAD ni Drew ang pangako kay Marianne. Ipinagawa niya ang nawasak na kubo nina Marianne. Isang bunggalow type ang ipinagawa niya sa mismong lupang kinatatayuan ng dating kubo na may sukat na 200 metro kuwadrado. Sabi ni Ma­rianne ang lupa raw na kinatitirikan ng kubo ang kaisa-isang natira sa mga aring lupa ng kanyang lolo at lola. Muntik pa nga raw maipagbili ang lupang iyon dahil sa pagpapa­aral sa kanya. Pero nang malaman daw ni Marianne ang balak ng kanyang lolo ay pinigilan niya ito. Wala na silang matitirahan kapag binenta pa. Ipinasya na lamang na mangutang sa Intsik na si Mr. C na isa palang drug lord at sangkot sa prostitution. Hanggang sa mamatay na nga ang kanyang lolo na may naiwang utang sa mapagsamantalang Chinese.

Nang matapos ang bunggalow nina Marianne, sorpresang niyaya ni Drew ang maglola isang umaga. Nakasakay sila sa pick-up na minamaneho ni Tikoy. Nasa likod nakaupo sina Marianne at Lola Ela.

‘‘Saan tayo pupunta, Drew?’’ tanong ni Marianne.

‘‘Sa bayan.’’

‘‘Anong gagawin natin sa bayan?’’

‘‘Basta.’’

Nagtawa si Marianne.

‘‘Para kang bata, Drew. Puwede ba ‘yung basta na lang tayo pupunta sa bayan na walang dahilan.’’

Napangiti lang si Drew.

Nagpatuloy sila sa pagbibiyahe.

Pero napansin ni Marianne na iba ang daan na kanilang tinatakbuhan—hindi patungo sa bayan.

‘‘Hindi tayo patungo sa bayan! Magsabi ka ng totoo, Drew.’’

Humagalpak ng tawa si Drew.

‘‘Saan nga tayo pupunta Drew?’’

Napilitan nang magtapat si Drew.

‘‘Tapos na ang bahay n’yo at sorpresa kong ipakikita sa inyo ngayon.’’

Hindi makapagsalita si Marianne. Si Lola ay masayang-masaya.

Maya-maya pa, pumarada na sila sa bagong gawang bunggalow. Kumpleto na. May pintura na. Napakaganda!

Bumaba sila at pinagmasdan ang bunggalow.

‘‘Puwede na kayong lumipat ni Lola diyan, Marianne.’’

Hindi pa rin makapagsalita si Marianne. Sobrang saya niya. Si Lola Ela ay ganundin.

Natupad ang pangarap ni Marianne na maigawa ng bahay ang kanyang lola.

(Itutuloy)

Show comments