Huling Eba sa Paraiso (82)
‘‘Paano mo nalaman na narito ako?’’ halos pabulong na tanong ni Marianne kay Drew. Naririnig pa nila sa labas ang pagkakagulo ng mga kalalakihang inaaresto ng mga pulis.
‘‘Mahabang kuwento. Si Lola Ela ang nakiusap sa akin na punatahan ka rito. Labis siyang nag-aalala dahil hindi ka pa umuuwi. Masama ang kutob niya. Baka raw may nangyari sa’yo.’’
Napahikbi si Marianne. Pero pinigil at baka marinig ng mga humahabol na pulis.
‘‘Ayaw kong malaman niya ito, Drew. Gusto kong ilihim ito sa kanya.’’
‘‘Bakit ka pumasok sa trabahong ito?’’
Sasagot sana si Marianne pero narinig nila ang pagkatok sa pinto. Sunud-sunod. Mga pulis! Parang gustong wasakin ang pinto. Desididong mahuli lahat ang mga nanonood ng live show.
‘‘Paanong gagawin natin Marianne? May alam ka bang dadaanan para hindi tayo mahuli?’’
‘‘Oo! Dito ang daan, Drew! Patayin mo ang flashlight sa cell phone para walang makakita.’’
Ini-off ni Drew ang cell phone.
Tinungo ni Marianne ang makipot na lagusan na isang tao lang ang kasya.
Sumunod si Drew. Kabisado ni Marianne ang lagusan. Parang bomb shelter ang pinasok nila.
Hanggang sa mawala sa pandinig nila ang kaguluhan sa restaurant. Mukhang malayo na sila. Ligtas na yata sila.
Hanggang lumabas sila sa isang makipot na pintuan. Itinulak ni Marianne ang metal na pinto. Malamig na hangin ang sumampal sa pisngi nila. Hanggang makita nila ang kalsada.
Luminga-linga si Marianne. Sinisiguro kung walang tao o pulis.
‘‘Dali Drew! Baka may makakita pa sa atin.’’
‘‘Teka, Marianne. Huhubarin ko ang damit ko. Hindi ka puwedeng tumakbo na naka-bra at panty lang!’’
Hinubad ni Drew ang kanyang long sleeves at isinuot kay Marianne. (Itutuloy)
- Latest