Monay (151)
“Nadagdagan na naman ang paghanga ko sa’yo, Bro. Hindi lang sa pagma-manage ng kompanya ka matalino kundi pati na rin sa pag-iingat sa sinumpaan n’yo ni Cath. Bihira na sa panahon ngayon ang lalaking katulad mo,’’ sabi ni Mark sa seryosong boses. ‘‘Ikaw talaga ang idol ko, Bro.’’
“Salamat Mark.’’
‘‘Kung nakikita at naririnig tayo ni Cath ngayon, siguradong masayang-masaya siya, Bro. Napakasuwerte niya sa pagkakaroon ng asawang katulad mo.’’
“Minsan napag-usapan namin ang topic na ‘yan nun. Aywan ko kung bakit naitanong niya sa akin kung mag-aasawa pa ako sakali’t siya ang mauna. Sabi ko’y hindi na ako mag-aasawa. Tapos sinabihan ko siya na huwag ganung topic ang pag-usapan namin. Ayaw ko ng ganun. Sabi niya, nasabi niya ‘yun dahil nga sa agwat ng edad namin. Hindi raw namin alam kung ano ang mangyayari sa buhay. Sabi pa niya, mayroon ngang healthy pero mababalitaan na namatay bigla. Sabi ko huwag naming pag-usapan ‘yun. Pero nagbigay nga ako ng sagot sa kanya na kung mangyayari na mauna siya, hindi ako mag-aasawa.’’
“Hindi kaya premonisyon niya ‘yun Bro? Kaya niya nasabi ‘yun ay dahil nakikita niya ang mangyayari sa kanya.’’
“Hindi ko alam, Mark.’’
“Anyway, ang mahalaga ngayon ay natanggap mo na ang nangyari kay Cath. At palagay ko, maligaya si Cath sa kinaroroonan niya dahil nakatakas ka sa pagkaalipin sa alak at sa walang saysay na pagmumukmok. Nakahulagpos ka sa tanikala ng pagkanegatibo. Malayang-malaya ka na at nagsisimula na sa magandang buhay.’’
‘‘Tama ka, Mark at malaki ang nagawa mo sa akin para makatakas sa walang saysay na bahagi ng aking buhay. Salamat.’’
“Let’s drink to that, Bro. Magsaya tayo.’’
Uminom sila at kumain. Masayang-masaya ang magkaibigan.
Isang araw ng linggo, naghahalungkat si Joem sa cabinet sa kanilang bedroom ng makita niya ang isang saradong pink envelope. Sa ibabaw ng envelope ay nakasulat: SA PINAKAMAMAHAL KONG SI JOEM.
Naalala ni Joem, mga ilang linggo bago mamatay si Cath ay abala ito sa pagsusulat. Ito marahil ang sulat na iyon. (Itutuloy)
- Latest