Monay (57)
MATAPOS kunan ng picture ni Trishia ang fishball cart, niyaya siya ni Joem sa loob ng bahay.
“Maupo ka, Trish.’’
Naupo sa sopa si Trishia.
“Nag-iisa ka pa rin ba rito, Joem?’’
“Oo. Mula nang dalawin n’yo ako ni Monay dito noong fourth year high school tayo, ganun pa rin ang sitwasyon – nag-iisa pa rin ako. Ang kaibhan lang, nabago ang kalagayan ng buhay ko dahil may trabaho na ako. Naipaayos ko na rin kahit paano itong bahay. Meron na rin akong TV at may malambot na kama. Dati sa sahig lang ako natutulog.’’
“Oo nga. Maayos na itong bahay mo. Umaasenso ka na talaga Joem.’’
“Hindi pa naman gaano.’’
“Nakikita ko na ang tagumpay mo, Joem. Lalo tuloy akong humanga sa iyo. Kaya kung ano ang mga ikinuwento mo sa akin, yun ang lalabas sa article ko. Huwag mong kalilimutan na bumili ng kopya.’’
“Oo. Bibili ako. Teka at ipagluluto kita ng fishball.’’
‘‘Ay yan ang gusto ko, Joem. Yung sawsawan, gagawa ka rin?’’
“Oo naman.’’
“Natatandaan ko nung ipagluto mo kami ni Monay ng fishball nun, pati yung sawsawan na ginawa mo ininom namin, ha-ha-ha! Ang sarap kasi! Ganun pa rin kasarap ang sawsawan, Joem?’’
“Mas masarap pa.’’
Nagluto si Joem ng fishball. Nang maluto nagtimpla siya ng sawsawan. Isang spicy suka at isang sarsa na may tamis-anghang.
Inilagay niya sa isang bandehado ang mga fishball na bahagyang tustado at ang mga sawsawan sa malaking tasa. May bamboo stick din. Inihain kay Trishia.
“Kain na, Trish.’’
“Eto ang gusto ko, Joem.’’
Tumusok ng fishball si Trishia at saka sinawsaw sa spicy suka at pagkatapos ay sa sarsa na matamis-anghang.
Isinubo. Nginuya.
“Whooo, ang sarap talaga.’’
Sunud-sunod na ang pagtusok ni Trishia ng fishball. Sarao na sarap.
“Kuwentuhan mo naman ako tungkol kay Mo-nay, Trish.’’
Tumingin si Trishia kay Joem.
Saka binawi ang tingin at itinuon sa fishball na tinutusok.
“Nag-asawa na nga si Monay at sabi wala na raw siyang balak umuwi rito. May malalim na dahilan daw.’’
(Itutuloy)
- Latest