Monay (16)
KINAIN ni Joem ang monay na dala ni Monay. Hindi siya nagugutom dahil kumain siya ng almusal sa bahay ng kanyang Tito Nilo. Pinagbigyan lang niya si Monay dahil sa walang sawa nitong pagbibigay sa kanya. Kahit wala siya, nagdadala ng monay sa pag-aakalang papasok siya. Iba talaga si Monay. Wala itong katulad.
“Kung ako sa’yo, Joem, huwag kang titigil kasi sayang. Ilang buwan na lang at ga-graduate na tayo,’’ sabi ni Monay na may himig pakikiusap.
Tumigil sa pagnguya si Joem. Nag-isip.
‘‘Sayang naman kung titigil ka,’’ sabi uli ni Monay na may himig pangugumbinsi.
‘‘Sige pipilitin kong makausap si Mama bukas.’’
Biglang sumaya ang mukha ni Monay sa sinabi ni Joem.
‘‘E ‘di hindi natin kakausapin si Mrs. Frances – ang adviser natin?’’
“Oo.’’
‘‘Sige pagtinanong ka niya mamaya, ako na ang magsasabi na papasok ka na.’’
“Sige.’’
“Sayang talaga kapag tumigil ka. Matataas din naman ang grades mo ‘di ba?’’
“Iniisip ko kasi sa pinsan ako ni Mama nakatira. Nakakahiya e marami ring anak ‘yun. Magiging pabigat ako.’’
“Pakiusapan mo. Sabihin mo na malapit na tayong mag-graduate.’’
“Sige, Monay.’’
“Ubusin mo na ‘yan at malapit nang mag-bell. Sori wala akong dalang mineral water. Hindi ko alam na magkikita tayo ngayon.’’
“Okey lang. Dun na lang ako sa gripo iinom.’’
Tinungo ni Joem ang gripo at sinahod ang kamay at saka uminom. Ipinahid ang basang kamay sa suot na t-shirt at saka lumapit kay Monay pagkatapos.
Biglang nag-bell.
“Sige Joem, papasok na ako. Hihintayin ko ang pagpasok mo. Kakausapin ko ang adviser natin mamaya. Ikukuwento ko ang nangyari sa iyo kaya ka absent.’’
“Sige, Monay. Salamat uli sa monay. Aalis na ako.’’
“Bye Joem.’’
(Itutuloy)
- Latest