Ang Babae sa Silong (97)
“Napansin ko kasi nitong ilang araw bago ma-stroke na laging nag-iisip ang mama mo, Gab. Kapag tinatanong ko naman kung ano ang iniisip niya ay wala naman daw,’’ sabi ni Auntie Mona.
“Regular po bang natitsek ang BP si Mama, Auntie?’’
“Oo. Lagi ko siyang kinukunan ng BP. Okey naman. Nagtataka ako kung bakit biglang nag-shoot ang BP niya.’’
“Dahil nga sa pag-iisip siguro Auntie. Kasi mas matindi raw ang pressure ng pag-iisip kaya tumataas ang BP.’’
‘‘Siguro nga. Kung sa pagkain naman e hindi naman kami naglalagay nang maraming asin. Halos katiting lang dahil baka maalta-presyon. Hindi rin kami kumakain karne. Pawang isda nga ang binibili ko.’’
“Mabuti at nasaklolohan mo agad siya Auntie at nadala sa ospital.’’
“Oo nga. Nataranta nga ako nang makitang nakayupyop sa kusina. Mabuti na lang at may sasakyan ang kapitbahay natin at naisugod agad dito sa ospital. Hindi ko talaga malimutan ang nangyari, Gab. Ninerbiyos ako. Habang dinadala namin dito e panay ang masahe ko sa mukha ng mama mo. Para hindi humiwi. Pati ang mga kamay at braso, minamasahe ko. Kasi nga ang suspetsa ko agad e na-stroke.’’
“Ano pong sabi ng doktor, naapektuhan daw po ang mukha ni Mama. Tumabingi raw po ba?’’
“Hindi naman, awa ng Diyos. Mabuti raw at naisugod agad dito. Pero sabi ng doktor kung may makikita raw pagbabago sa mukha, kailangang e rehabilitate. Para raw mabuhay ang sirkulasyon ng dugo.’’
Napatungo si Gab saka napabuntunghininga.
‘‘Pero palagay ko, walang nangyari sa mukha ng mama mo. Ayan at makikita mo naman na maayos ang mukha. Siguro ay nakatulong ang pagmasahe ko. Kumbaga, dumaloy agad ang dugo niya kaya hindi natabingi. Tingnan mo at maganda pa rin kahit natutulog.’’
Tiningnan ni Gan ang mama niya at saka pilit na ngumiti.
‘‘Salamat Auntie. Kung wala ka, baka may nangyari kay Mama.’’
“Naku nagsisisi nga ako kung bakit iniwan ko siya sandali. Sa sunod e hindi ko na yan iiwan.’’
Pinisil ni Gab ang braso ng tiyahin.
“Kailan kaya magigising si Mama?’’
“Mamaya pa dahil maraming ininom na gamot.’’
“Sa palagay mo Auntie, mga ilang araw dito sa ospital si Mama?’’
‘‘Walang sinabi ang doktor.’’
‘‘Di bale kahit magtagal basta ligtas siya.’’
“Oo nga.’’
Eksaktong isang linggo sa ospital ang mama ni Gab nang sabihin ng doktor na maaari na itong lumabas.
Kinausap nang masinsinan ni Gab si Dado. Nasa waiting area sila.
“Dads, ‘di ba sabi mo minsan, kapag kailangan ko ng tulong, magsabi ako sa iyo? Kailangan ko ang tulong mo ngayon.’’ (Itutuloy)
- Latest