Ang Babae sa Silong (95)
HINDI makatulog si Dado nang gabing iyon. Pabiling-biling siya sa higaan. Dapat tulog na siya dahil napagod sila ni Gab sa pamamasyal. Pero ayaw siyang dalawin ng antok. Si Gab ang nasa isip niya. Lagi niyang nakikita ang maamong mukha ni Gab.
Ano ba itong nangyayari sa kanya?
Umiibig ba siya kay Gab?
Bakit ganito katindi ang pag-iisip niya sa dalaga?
Bumangon siya at binuksan ang TV. Baka sakaling kapag nanood siya ay dalawin ng antok. Pero hindi pa rin. Kahit nanonood ng TV ay ang larawan pa rin ni Gab ang nakikita niya.
Bumalik siya sa higaan at hinayaang si Gab ang magsumiksik sa isip niya.
Masayang kasama si Gab. Nang kumain sila sa ramen house, masaya ang pagkukuwentuhan nila. Kayang-kaya niyang patawanin si Gab. Kahit mga korni ang jokes niya, humahalikhik ito.
Pagkatapos magtawa ni Gab ay magseseryoso ito at saka sasabihin sa kanya na “paano raw ang buhay niya kung hindi sila nagkakilala’’. Talagang malaking bagay kay Gab ang pagkikilala nila.
Naisip ni Dado, paano nga kung hindi sila nagkakilala ni Gab? Kawawa naman ito. Sino ang dadamay at makakaintindi sa dinaranas nito.
Naisip ni Dado, hindi siya mabubuhay kung wala si Gab. Mawawalan ng silbi ang buhay niya kung wala si Gab,
Umiibig nga yata siya kay Gab?
ISANG gabi, kararating lang ni Dado mula sa opisina nang makarinig siya nang sunud-sunod na mga katok sa pinto.
Nang buksan niya ay si Gab. Umiiyak.
“Bakit Gab?’’
“Si Mama Dads, isinugod sa ospital. Samahan mo akong umuwi ngayon din!” sabi at humagulgol na.
“Anong nangyari?’’
“Sabi ng tiyahin ko, biglang nahilo at namumutla. Isinugod niya sa ospital.’’
“Huwag kang mag-panic. Magbibihis lang ako. Aalis tayo.’’ (Itutuloy)
- Latest