Ang Babae sa Silong (94)
Hindi inaasahan ni Gab ang pagyayaya ni Dado.
“Kumain tayo sa labas, Gab. Para maiba naman. Kakasawa na laging dito tayo sa kuwarto ko nagkukuwentuhan. Puwede ka?’’
“Oo. Ikaw ang inaalala ko, day-off mo ngayon at kailangan mo nang pahinga.’’
“Bukas puwede pa naman akong magpahinga. Saka hindi naman ako napapagod sa opisina. Kailangan din nating lumabas paminsan-minsan. Ano Gab, tara na.’’
“Sige. Maliligo lang ako. E saan naman tayo kakain, Dads?’’
“Gusto mo ramen?’’
“Yes. Type na type!’’
“Sige dun tayo sa bagong bukas na ramen house. Masarap daw sabi ng officemate ko. Para ka na rin daw nakarating sa Tokyo.’’
“Sige Dads. Sandali lang akong mag-shower.’’
Eksaktong alas nuwebe ng umaga ay umalis na sila.
Sa ramen house sa isang mall sila nagtungo. Maraming kumakain nang dumating sila. Sa isang table sila na malapit sa pinto napuwesto.
‘‘Sa totoo lang Dads, ngayon lang uli ako makakakain ng ramen,’’ sabi ni Gab. ‘‘Ang huli ay nun pang nag-graduate ako sa college. Limot ko na ang lasa, ha-ha-ha!’’
“Hayaan mo at lagi kitang dadalhin dito.’’
“Baka magsawa ka, Dads.’’
“Hindi.’’
Dumating ang order nila.
“Umpisahan na natin Gab. Tamang-tama ang mainit na sabaw.’’
“Sige. Gutom na nga ako.’’
Kumain sila. Masaya pa rin silang nagkuwentuhan habang kumakain.
“Ang sarap nga ng ramen dito, Dads.’’
“Para ka nga raw nakarating sa Japan kapag natikman ang ramen dito.’’
“Nakarating ka na sa Japan, Gab?’’
‘‘Hindi pa. Pagpumunta ako roon, isama kita.’’
“Puro ka biro, Dads.’’
“Totoo.’’
“Bakit mo ako isasama?’’
“Para doon tayo kakain ng lalong masarap na ramen.’’
Napahagikgik si Gab.
“Baka ka mahirinan sa pagtawa Gab.’’
Pagkatapos kumain, namasyal sa mall ang dalawa. Pagsapit ng ala una ng hapon, umuwi na sila.
“Salamat sa masarap na ramen, Dads,’’ sabi ni Gab nang maghiwalay na sila sa apartment.
‘‘Next week kain uli tayo.’’
Kinagabihan, hindi makatulog si Dado. Si Gab ang iniisip niya.
(Itutuloy)
- Latest