Ang Babae sa Silong (12)
Nasa tapat lamang ng inuupahang apartment ni Dado ang bakery. Tatawid lamang siya at makakabili na nang masarap na pandesal. Dati na siyang bumibili ng pandesal sa umaga pero nang masubukan niyang magkanin (fried rice), itlog at tocino ay kinalimutan muna niya ang pandesal.
Ngayon na lang uli siya magpapandesal – dahil nga kay Gab – ang babaing nangungupahan sa silong. Gusto niyang malaman kung suplada nga ito dahil sa ginawa kahapon na para bang ayaw makipagkaibigan o makipagkilala.
Pasado alas singko nang magtungo siya sa bakery. May nakita siyang isang lalaki na bumibili. Maya-maya pa ay tiyak na pila na ang bibili dahil nag-iisang bakery ito sa kanilang lugar. Bukod dun, masarap ang pandesal sa nasabing bakery. Laging bago. Hindi nag-uulit na ‘di katulad ng ibang panaderiya na hinahaluan ng luma ang tinda.
Tumawid siya.
“Sampung pisong pandesal nga po,” sabi niya sa lalaking tindero. “’Yung tustado ha.’’
Luminga-linga siya. Wala pa ang inaabangan niyang babae sa silong. Baka mamaya-maya pa.
Nang tingnan niya ang tindero, kumukuha ito ng pandesal sa malaking lalagyan. Limang piraso lang ang halagang sampung piso.
Inabot sa kanya ang nakasupot na pandesal. Iniabot niya ang bayad.
Kumilos siya para tumawid. Wala pa ang inaabangan niya. Hindi siguro bibili ng pandesal.
Maski nang makapasok siya sa apartment ay wala ang babae.
Bigo siya.
Baka bukas bibili ng pandesal. Aabangan uli niya. Puwede naman siyang araw-araw na kumain ng pandesal.
(Itutuloy)
- Latest