Alupihan (227)
IKINUWENTO ni Cris sa nanay ni Hani na misteryosong naglitawan ang mga alupihan sa boarding house mula nang manirahan dun si Hani.
‘‘Noong bago po dumating si Hani sa boarding house. Nakakita ako nang malaking alupihan sa ilalim ng lababo. Pinatay ko. Pagkatapos, may mga nakita rin akong alupihan sa mga kuwarto ng boarders. At nitong si Hani na lamang ang nakatira sa boarding house, mayroon na naman akong nakitang alupihan. Nahiwagaan nga po ako.’’
‘‘Walang kinukuwento sa ‘yo si Hani?’’ tanong ng nanay.
“Wala po.’’
Tiningnan ng nanay si Hani.
“Sana ipinagtapat mo kay Cris, Hani.’’
“Nahihiya ako Nanay. At isa pa, baka hindi maniwala si Kuya.’’
“Kung sinabi mo sa akin e ‘di sana naunawaan kita,” sabi ni Cris.
Napabuntunghininga si Hani.
Hinawakan ni Cris ang palad nito. Pinisil-pisil.
‘‘Mahal pa rin kita kahit pinaglihi ka sa alupihan. Ikaw pa rin ang pinakamaganda para sa akin,’’ sabi ni Cris at muling pinisil ang palad i ni Hani.
Ginanti iyon ni Hani ng pisil.
Binalingan ni Cris ang nanay at nagtanong.
“E Nanay ‘yun po pang pangalan ni Hani ay talagang naisip n’yo lang o mayroon kayong pinagbasehan.’’
“Naisip lang namin ng tatay ni Hani, bakit?’’
“Kasi po kapag pinagsama ang name ni Hani at kanyang apelyidong lupa ay nabubuo ang salitang ALUPIHAN.’’
Napamaang ang nanay.
Hindi nakapagsalita.
Nahiwagaan din base sa ekspresyon ng mukha.
(Itutuloy)
- Latest