Alupihan (219)
Baka hindi ka makatagal dito, Kuya. May pagkakataon na walang kuryente rito sa aming lugar. Hindi ka makakapanood ng TV at makakapag-text o FB. Sanay ka sa Maynila na lahat ay maaaring magawa,’’ sabi ni Hani. Nasa lilim na sila ng punong banaba na nasa pampang ng sapa. Naririnig nila ang lagaslas ng malinaw na tubig.
‘‘Kaya kong tumagal dito basta’t kasama ka. Magiging maligaya ako rito kapag kasama ka araw-araw, Hani.’’
“Isipin mo ring mabuti Kuya. Dito kung minsan ay walang mabiling pangunahing pangangailangan gaya ng asukal, sabon, mantika dahil kailangan pang magtungo sa bayan. Mas mahirap kapag bumaha dahilk walang dadaanan. Kung minsan ay walang masakyang traysikel at kailangang maglakad ng ilang kilometro para makarating sa bayan. Makakaya mo rito Kuya?’’
“Kaya ko basta kasama kita.’’
“Talaga bang mahal mo ako Kuya kahit na ganito ang itsura ko.’’
“Mahal kita. Di ba nagsabi na ako kina tatay at nanay. Sasabihin ko ba ‘yun kung hindi kita mahal. At saka huwag mo nang laitin ang sarili mo. Napakaganda mo Hani. Bukod sa napakaganda ay mabuti pa ang ugali, mapagmahal, malambing, masipag at maalalahanin. Nasa iyo na lahat Hani kaya kita minahal. Sabi ko nga sa’yo ikaw at ang namayapa kong asawa ay nag-iisa. Parang reincarnation ka ng aking asawang si Maya.’’
Hindi makapagsalita si Hani sa labis na kasiyahan. Talagang mahal na mahal siya ni Cris.
Pinisil ni Cris ang palad ni Hani.
‘‘Ikaw ang lahat sa buhay ko, Hani. Ikaw ang aking buhay.’’
Napasubsob si Hani sa balikat ni Cris. (Itutuloy)
- Latest