Alupihan (1)
Biyudo si Cris. Limang taon nang namamayapa ang kanyang asawang si Maya. Forty five siya nang mabiyudo. Ngayon ay 50-anyos na. Hindi sila nagkaroon ng anak ng kanyang asawa. Si Maya ang may deperensiya. Pero wala siyang pait na naramdaman kahit na hindi siya nabigyan ng anak ng asawa. Mahal na mahal niya ang asawa at madalas nga niyang sabihin dito na kahit walang anak okey lang basta huwag lang siyang iwan. Mas mahalaga sa kanya ang asawa kaysa anak.
Pero hindi na nga tumagal ang kanyang asawa at tuluyang nilupig ng cancer ang katawan nito.
Pero bago siya tuluyang iniwan ng asawang si Maya, nagbiro pa ito na kung mag-aasawa raw siya, ang piliin ay yung mamahalin siya nang labis at hindi lolokohin.
Pero sabi niya kay Maya, hindi na siya mag-aasawa at mananatili na lamang mag-isa sa buhay. “Hindi kita papalitan, Maya.”
Pinisil ni Maya ang kanyang kamay.
At makalipas ang ilang araw mula nang sabihin niya iyon, sumakabilang buhay na ang minamahal na asawa.
Iyak siya nang iyak.
Halos gabi-gabi, umiiyak siya dahil sa lungkot sa pagkawala ng asawa. Naisip niya, mas maganda yata ay kinuha na rin siya ng Diyos. Hindi niya kaya ang kalungkutang nadarama sa pagkawala ng asawa.
Hindi niya alam kung paano nalampasan ang hapdi at sakit na pagkawala ng asawa.
Namalayan na lamang niya na limang taon na pala ang nakalipas. Nalabanan niya ang lungkot ng pag-iisa sa bahay. Naka-move on siya.
Kung anu-ano ang ginawa niya para malimutan ang pagkawala ng asawa.
Isang araw, inaayos niya ang tubo ng lababo nang isang alupihan ang nakita niya. Malaki ang alupihan at mukhang matagal nang nasa ilalim ng lababo.
(Itutuloy)
- Latest