Ahas sa garden (423)
HINALIKAN ni Alexis si Nicole sa labi. Matagal ang paghalik. Mainit at punumpuno ng pagmamahal.
Natatangay si Nicole. Ginanti ang halik ni Alexis. Matagal silang naghalikan.
Pero si Nicole ang bumawi sa nagbabagang pakikipaghalikan. Hindi pa panahon. Baka kung saan sila makarating. Kailangang makasal muna sila ni Alexis. Gusto niya, nasa ayos ang lahat. Ayaw niyang may masasabi ang marami na nakipagrelasyon siya kahit wala pang basbas ng pari. Gusto niya, makasal muna bago ang pakikipagniig.
“Tama na, Love. Darating din ang hinihintay mo. Baka mayroong masabi ang mga nakakakilala sa atin.”
Napatango si Alexis.
“Ikaw ang masusunod, Nicole. Kaunting panahon na lang. Kayang-kaya nang maghintay.’’
“Oo, Love, kayang-kaya mo na.’’
“Lalo akong nasasabik Nicole.’’
Kinurot ni Nicole sa braso si Alexis.
Makaraan ang isang oras, ipinasya nilang umuwi na.
ISANG araw hindi inaasahan ni Alexis ang pagtawag ni Manang mula sa Australia.
“Hello, Alexis, si Manang ito.’’
“Manang, kumusta ka?’’
“Eto mabuti naman. Ang tagal mo akong ‘di tinawagan kaya ako na ang tumawag. Siguro masyado ka nang maraming kuwarta kaya nalimutan mo na ako.’’
Nagtawa si Alexis.
“Sorry Manang. Busy lang po ako.’’
“Alam mo ba kung bakit ako tumawag, Alexis?’’
“Bakit po Manang?’’
“Uuwi kami riyan nina Cindy at mga anak niya. Gusto nila makarating sa Philippines.’’
Tuwang-tuwa si Alexis sa sinabi ni Manang.
“Aba tamang-tama ang pag-uwi ninyo Manang. Ikakasal na po ako.’’
“Talaga? Congrats. Sige darating kami sa kasal mo!”
(Itutuloy)
- Latest