Ahas sa Garden (372)
Nang madaanan nila ang malawak na taniman ng iba’t ibang gulay na napapagitnaan ng isang ilog, sabik na itinuro iyon ni Alexis kay Nicole.
“’Yan ang aking farm, Nicole. Diyan sa ilog na ‘yan nanggagaling ang tubig na ipinandidilig sa mga gulay. Mahaba ang ilog na iyan na ang magkabilang side ay pawang vegetable farm.’’
“Ang lawak po pala, Mang Alexis!’’
“Hindi pa ‘yan ang kabuuuan. Ikaapat na bahagi lang ‘yan, Nicole.’’
“One fourth lang ang nakikita nating ito, Mang Alexis?’’
“Oo. ‘Yung pinaka-sentro ay doon pa. Mga 10 minutes pa mula rito. Pagbaba natin ng bus, mga 10 minuto pang lalakaring at dun na.’’
“Nakakalula po pala ang farm mo Mang Alexis. Ang yaman mo po pala.’’
“Hindi naman, Nicole.’’
“Pero kahit po mayaman ka na, simple ka pa rin at mabait…’’
Napangiti si Alexis. Ngayon lang nagsalita ng ganito si Nicole. Halos tatlong linggo na silang magkasama pero ngayon lang nangahas na siya ay purihin.
“Wala po sa itsura mo na ikaw ay nagmamay-ari ng isang malawak na gulayan,’’ sabi pa ni Nicole.
“Aba masyado mo na akong pinupuri. Baka maniwala na ako sa’yo Nicole,’’ sabi niya at saka nagtawa nang mahina.
Nakitawa rin si Nicole.
“Simple lang talaga ako, Nicole. Ayaw ko ba na dahil ako ay unti-unti nang umaasenso ay magiging bongga na ang pananamit ko. Hanggang ngayon nga ay luma pa ang sasakyan ko. At hindi ko ginagamit. Gusto ko pa ay mag-commute.’’
“Oo nga po. Napansin ko nga po na wala kang sasakyan.’’
“Puwede akong bumili ng mamahaling sasakyan pero ayaw ko. Mas gusto ko e simple lang ang buhay.’’
Maya-maya pa, sumapit na sila sa destinasyon.
“Bababa na tayo riyan sa kanto, Nicole. Narito na tayo sa farm.’’
“Excited ako Mang Alexis. Magkakaroon na ako ng trabaho.’’
“Kikita ka na nang maayos, Nicole.’’
“Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa’yo Mang Alexis.’’
Napangiti si Alexis.
Bumaba na sila ng bus.
(Itutuloy)
- Latest