Ahas sa garden (370)
INIBA ni Alexis ang usapan nang mapansin na tila nahiya si Nicole nang matitigan niya. Nagbaba ng tingin si Nicole at itinutok ang paningin sa kinakain.
“Mga isang linggo pa marahil ang mga appointment ko, Nicole. Pagkatapos niyon ay uuwi na tayo sa probinsiya para makapagsimula ka na sa pagtatrabaho mo sa vegetable farm. Naiinip ka na ba?’’
“Hindi naman po,” sagot ni Nicole pero hindi tumitingin kay Alexis.
“Nasabi ko na sa superbisor ng farm na merong bagong empleyado – babae. Sabi ko, masipag at maganda.’’
Napangiti si Nicole.
“Kaya mo bang mag-harvest ng gulay gaya ng repolyo o letsugas?’’
“Opo. Kaya ko po.’’
“Sabagay madali lang naman ang pagpitas o pag-ani ng gulay. Kailangan lang ay tiyaga at sipag.’’
“Kayang-kaya ko po ‘yun, Mang Alexis. Mas mahirap pa nga po ang magpaalila dito sa Maynila dahil pag-iinteresan ng among lalaki. Doon sa farm ay kailangan lang po ang tiyaga.’’
“Tama ka Nicole. Dapat talaga sipag at tiyaga. Palagay ko nga kayang-kaya mo dahil masipag ka at matiyaga. Nakita ko na kung paano ka magtrabaho at pasado ka na.’’
“Salamat po, Mang Alexis.’’
“Kaya makalipas ang isang linggo, uuwi na tayo sa probinsiya.’’
“Sino po ang tatao sa bahay?’’
“Wala. Lagi ko namang iniiwan ang bahay at wala namang nangyayaring masama.’’
Hindi na nagsalita si Nicole.
Makaraan pa ang isang oras ay ipinasya na nilang umuwi. Pasado alas nuwebe ng gabi.
NANG mga sumunod na araw ay lalo pang nakita ni Alexis ang kasipagan ni Nicole. Hindi nakakapagsisi ang pagkuha niya kay Nicole. Masipag talaga ito at maaasahan. Hindi na kailangang utusan.
Kaya naman kapag nakikita niyang hindi na ito nagpapahinga sa pagtatrabaho ay siya na mismo ang nagsasabi rito na magpahinga naman. Mag-rest. Huwag magmadali sapagkat hindi nauubos ang trabaho.
(Itutuloy)
- Latest