Ahas sa Garden (190)
BINABALIKAN ni Alexis ang mga nangyari sa kanya sa mansion ni Sir Nath. Hindi talaga niya akalain na masasangkot siya kay Brenda. Tama ang sabi ni Manang na lubhang delikado ang babaing ‘yun. Hindi gagawa ng mabuti. Kaya pala ganun na lamang ang pagpapaaalala sa kanya ni Manang. Sana nakinig siya kay Manang. Pati si Manang ay nasangkot sa ginawa niyang pagpatol kay Brenda. Mabuti na lang at nakaligtas sila sa mapanganib na si Brenda.
Iniisip ni Alexis kung itinuloy ni Brenda ang balak na pagpatay kay Sir Nath. Siya pa ang inuutusan ni Brenda na pumatay dito. Abangan daw si Sir Nath sa gate saka saksakin. Talagang mamamatay-tao si Brenda. Walang takot. Ang plano pa ni Brenda, pagnanakawan si Sir Nath at saka papatayin. Pero dahil nasira na ang plano nang makatakas si Manang, siya ang pinagdiskitahan ni Brenda at sinaksak na hindi naman nakasugat sa kanya. Ang akala ni Brenda ay patay na siya.
Kung itinuloy ni Brenda ang balak kay Sir Nath, kawawa naman ang matanda. Baka napatay ito?
Tanging si Manang lamang ang mapagkukunan niya ng impormasyon. Maaari naman niya itong puntahan sa bahay ng pinsan nito para makibalita. Nakiusap siya kay Manang na kung makakausap si Sir Nath, ihingi siya ng tawad sa nagawang kasalanan. Ipaliwanag na nilason lang ni Brenda ang kanyang isipan kaya pumatol dito.
Pero sa ngayon, hindi muna siya makikipagkita kay Manang. Palilipasin muna niya ang ilang buwan bago lumuwas ng Maynila.
Dito muna siya sa probinsiya para tulungan ang kanyang mga magulang.
Nang mga sandali namang iyon, hindi pa rin makakita ng pagkakataon ang kaibigang maid ni Manang na si Ester para makausap si Sir Nath. Tuwing lalapitan niya sa gate si Sir Nath ay lumalapit si Brenda. Napapansin ni Ester na laging umaalis ang dalawa. Lagi nang kasama si Brenda sa bawat pag-alis ni Sir. Nath.
“Saan kaya sila nagtutungo Manang?’’ tanong ni Ester.
“Baka sa mga dinadaluhang meeting ni Sir Nath.’’
“Hindi ko matiyempuhan na nag-iisa si Sir Nath. Laging nakadikit ang malanding si Brenda.’’
ISANG araw nasa isang kilalang beach resort sina Sir Nath at Brenda. May sinabi si Sir Nath.
“Ibebenta ko na ang mansion, Babe! May buyer na.’’
Tuwang-tuwa si Brenda.
“Talaga? Mahahalikan kita Babe!’’
“Gawin mo, ha-ha-ha!”
(Itutuloy)
- Latest